Walang muzzle taping ng armas ngayong Pasko – PROCor

Headlines

CAMP DANGWA, BENGUET – Hindi magsasagawa ng muzzle taping sa mga baril ng kapulisan sa Cordilllera para sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay PCSupt. Elmo Francis Sarona, regional director ng Police Regional Office Cordillera (PROCor), hindi isasagawa ngayong taon ang nakagawiang firearms muzzle taping sa kapulisan bilang pagtupad sa pahayag ni Philippine National Police Director General Ronald Dela Rosa.

Ang pahayag ni Dela Rosa ay patunay na buo tiwala nito sa kapulisan na hindi illegal na magpapaputok ng baril sa Pasko at Bagong Taon.

Sa kabila nito ay inutusan ni Sarona ang lahat ng ground commanders na lalong maging mapagbantay sa kanilang mga tauhan dahil kung illegal na gagamitin ng mga ito ang kanilang mga baril ay masasampahan ang mga ito ng kaukulang kaso.

Ang muzzle taping sa armas ng kapulisan ay nakagawiang isagawa bago sumapit ang Pasko at Bagong Taon bilang pagpapaalala sa mga pulis na labag sa batas ang walang katuturang pagpapaputok ng baril. ABN