Breaking News
     |  | 

    Metro Baguio

    Treasure hunting sa Convention Center, tinutulan ng DPWH

    Inihayag ni Mayor Mauricio Domogan na kinontra ng Department of Public Works and Highways ang treasure hunting sa Baguio Convention Center.

    Sinabi ng mayor, batay sa report na ibinigay sa kanya ng DPWH ay maaaring pahinain ng paghuhukay para sa ginto ang pundasyon ng convention center.

    Aniya, inaasahan niya na tanggapin ng treasure hunter na si Eli Cabusao ang desisyon ng DPWH.

    Nauna rito ay napagkasunduan na magsasagawa ng inspection ang DPWH sa lugar upang masuri kung ang paghuhukay sa mga ginto na diumano ay bahagi ng Yamashita treasure ay makakaapekto sa pundasyon at katatagan ng convention center at inihayag ni Cabusao na rerespetuhin nito ang magiging resulta at desisyon ng DPWH.

    Ngunit, ayon kay Domogan, sa pamamagitan ng text ay sinabi ni Cabusao sa kanya na kung talagang hindi maaaring mahukay ang mga ginto ay wala siyang pagtutol subalit ang reklamo nito ay hindi sumipot ang DPWH sa napagkasunduang araw ng pagsasagawa ng inspection pero tinanggihan na agad nila ang treasure hunting.

    Nakipag-ugnayan si Domogan sa DPWH ukol sa naturang reklamo ni Cabusao kaya nagbigay ng report ang ahensya na natanggap ng mayor noong Miyerkules (Mayo 30).

    “In fairness, mayroon siyang [Cabusao] permit na ibinigay ng national government” at pinayagan ng city council kaya nasimulan ang treasure hunting, ayon sa mayor.

    “I don’t blame them also kung totoong may volumes of gold doon, sayang naman. Under the new law, yung sharing, walang share ang local government unit. Ngunit yung ginawa ni Cabusao, they were able to negotiate with the national government,” paliwanag ni Domogan.

    Aniya, ito ang dahilan kaya ang hatian kapag nahukay ang mga ginto ay 35 porsyento para sa founder, 35 porsyento para sa lungsod, at 30 porsyento para sa national government.

    Sa kabila nito ay tinanggihan ng DPWH ang paghuhukay ng ginto.

    Umaasa ang mayor na kapag nabasa na ni Cabusa ang report ng DPWH ay maliwanagan ito at tanggapin ang desisyon ng ahensya. ABN

    ABOUT THE AUTHOR