Public hearing para sa convention center rehab sa Nob.14

Metro BLISTT

Nagpasya ang Sagguniang Panlungsod na magsagawa ng public hearing tungkol sa isinasagawang rehabilitasyon ng Baguio Convention Center sa Nobyembre 14, 2018 upang makuha ang saloobin ng mga stakeholders ukol sa unilateral revision ng project plans na ngayon ay inalis ang iminungkahing mezzanine, escalator at elevator.

Sinabi ni Councilor Maria Mylen Victoria G. Yaranon, chairperson ng City Council Committee on Public Works, na layunin ng public hearing na makuha ang opinyon ng publiko sa nabagong plano ng proyekto upang maghatid ng malinaw na mensahe na maaaring isama sa desisyon ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways-Cordillera (DPWH-CAR) na nag-revise sa orihinal na plano ng proyekto.

Inaasahang maging tagapagsalita sa naturang public hearing ang mga opisyal ng DPWH-CAR upang magbigay ng katwiran sa kanilang pagbabago ng orihinal na plano ng proyekto.

Nauna rito ay pinangunahan ng DPWH-CAR ang bidding ng multi-million na rehabilitasyon ng convention center gamit ang orihinal na plano na binuo ng technical working group (TWG) ng pamahalaang lungsod at kinabibilangan ng pagkakaroon ng mezzanine, escalator at elevator sa naturang pasilidad.

Ngunit sa pagpapatupad sa proyekto ay hindi mahanap ng kontraktor ang nauukol na pundasyon para sa mungkahing mezzanine, escalator at elevator dahil hindi ibinigay ng pamahalaang lungsod ang orihinal na plano ng naturang istruktura upang maging basehan ng technical personnel.

Dahil dito ay inirekomenda ng DPWH-CAR ang rebisyon ng project plans sa pamamagitan ng pagtanggal sa mezzanine, escalator at elevator mula sa plano upang hindi makompromiso ang structural integrity ng gusali at upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente na magsasapanganib sa mga gagamit at pupunta sa convention center na inaasahang magiging lugar hindi lamang para sa mga lokal na okasyon kundi maging sa mga international na pagtitipon.

Ang mga miyembro ng TWG ay tinuligsa ang diumano’y unilateral revision ng project plans na anila ay minadali at walang konsultasyon sa TWG at wala ring presensya ng structural engineer na tumulong na bumuo sa orihinal na plano ng convention center.

Sinabi ni Yaranon na naniniwala ang mga miyembro ng TWG na ang pagbabago sa plano ay hindi sang-ayon sa ninanais na pagtaas sa kapasidad ng convention center upang maaaring pagganapan ng mas malalaking pagtitipon para maisulong ang lungsod ng Baguio bilang convention city. BAGUIO PIO / ABN