Planong paglilipat ng nursery park sa Ibaloi Heritage Garden, ibinasura

Metro BLISTT

Tuluyang ibinasura ng konseho ng lungsod ang plano ng City Environment and Parks Management Office (CEPMO) na paglilipat ng nursery area na malapit sa archery range sa Baguio Athletic Bowl patungo sa Ibaloi Heritage Garden.

Sa session ng konseho noong Pebrero 6 ay nilinaw ni Bise Mayor Edison Bilog na may naaprubahan nang resolusyon ang konseho noong Enero 30 na nagpapatigil sa CEPMO na magtayo ng nursery park sa Ibaloi Heritage Garden.

Noong nakaraang Citizen’s Forum ay humingi ng tulong sa konseho si Leopoldo Lamsis, presidente ng Onjon Ni Ivadoy, ukol sa planong relokasyon ng nursery CEPMO sa Ibaloi Heritage Garden.

Ani Lamsis ay may mga tubo at lupa nang ipinadala para sa pagpapatayo ng nursery park.

Paliwanag naman ni Cordelia Lacsamana, CEPMO head, na wala pang konstruksiyon na nagaganap at ang mga materyales na ito ay pansamantala lamang na inilagay sa lugar dahil sa pagdaraos ng Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet 2017 sa Athletic Bowl mula Pebrero 4 hanggang 8.

Umapela si Lacsamana sa konseho na bigyan ng konsiderasyon ang kanilang proyekto, at magkasundo ang dalawang panig dahil aniya, “The nursery, in a matter of need, is really urgent.”

Ang nursery area sa Athletic Bowl ay ginagamit ng CEPMO para sa pagpapatubo ng mga plant seedlings.

Samantala, nakapaloob sa Resolution No. 182, series of 2010, na ang espasyo ng Burnham Park sa pagitan ng children’s playground at city orchidarium ay itinatalaga bilang lugar para sa Mateo Cariño monument at itinalaga rin bilang Ibaloi Heritage Garden.

Ang mungkahi para sa lawak ng nursery park ay tinatayang nasa 1,000 square meters habang ang lawak ng Ibaloi Heritage Garden ay tinatayang 1 ektarya.

Sinabi ni Lamsis na may plano na para sa pagtatayo ng living museum sa Ibaloi Heritage Garden kung saaan aktuwal na matutunghayan ang katutubong pamumuhay ng mga Ibaloi.

Ang plano ay naipasa na sa tourism office ngunit hindi pa ito naaprubahan dahil ang desenyo at materyales ay masyadong makabago, ani Lamsis.

Samantala, sinabi ni Mayor Mauricio Domogan sa kanyang Ugnayan noong Pebrero 8 na umaasa siyang patuloy na makikipag-usap ang CEPMO sa mga Ibaloi tungkol sa naturang isyu.

Nilinaw din ng mayor na ang Ibaloi Heritage Garden ay bahagi ng Burnham Park at hindi ipinamigay na pag-aari ng mga Ibaloi.

“Kung basahin mo yung resolusyon, that is only named as Ibaloi Park to honor Ibaloi leaders,” aniya, dahil ang mga Ibaloi ang first inhabitants ng lungsod ng Baguio. “Walang ibinigay ang city government.”
Hinimok din niya ang Ibaloi organization na makipag-ugnayan sa CEPMO para sa mga aktibidad na nais nilang isagawa sa Ibaloi Park. Noreen D. Cruz, UB Intern / ABN