|  |  | 

Daplis Walang Mintis Opinion

Pinas, isa sa pinakamasayang bansa mundo! Owss?

Maryusep, tiyak maraming kilay ang nagsuicide at bumagsak sa bagong balita sa 2018. Ano nga ba at bakit marami ang napanganga? Sa buong mundo, pangatlo raw tayo sa mga pinakamasayang bansa. Baka naman sa kanta  lang ni Ka Freddie Aguilar na “Tawanan Mo Ang Iyong Problema”? E, nabaliktad na yata ang mundo ni Ka Freddie kasi hindi na siya makatawa sa mabigat niyang problema ngayon dahil nasunog ang kanyang bahay. Maryusep! Di rin kaya tayo makarma sa bago nating titulo – 3rd happiest among 55 nations worldwide. Sige, bulatlatin nga natin ire.

******

Ayon sa American polling survey na Gallup International sa kanilang 41st Annual Global End of the Year survey, ang net score ng Pilipinas ay +84 sumunod tayo sa Fiji (+92) at Colombia (+87).  Sa top 10, kasama rin ang mga sumusunod: Mexico (+82) China – (+79) Kazakhstan (+74); Papua New Guinea (+74); Indonesia (+68); India (+68); Argentina at Netherlands na parehong may score na +64. Pero noong taong 2016, ang Pilipinas ay pangalawa noon sa pinakamasayang bansa sa daigdig. Medco bahagya tayong bumaba kasi baka marami na ang sumisimangot. He he, idalangin natin na huwag na tayong bumulusok pang mawala sa top 10 dahil sa ngayong taon, tiyak na marami sa atin ang sisimangot. At bakit? Sundan:

******

Kahit tatanggapin na ngayong taon ang dagdag na sahod ng mga pinangakuan ni Pres. Digong na nasa kapulisan at kasundaluhan, tiyak marami ang iismid at sisimangot o baka pa magmumura sa galit dahil sa mga krimen na sangkot ang ilang otoridad. Tingnan na lang ninyo ang nangyari sa Mandaluyong kamakailan. Kasama ang ilang tanod, niratrat ng mga pulis ang isang van na may sakay na babaeng sugatan at isusugod sana sa ospital. Natuluyan ang babae at isa pang kasamahan. Walang habas na pagputok ang eksena. Sumisigaw na nga ang mga sakay ng van na hindi sila kaaway, ngunit sige pa rin ang banat ng mga pulis at tanod. Resulta: sibak sa puwesto ang mga pulis habang iniimbestigahan pa sila kasama ang mga tanod na may baril. O, mga pards, sa mga nangyaring yan, makakangiti pa ba tayo? Matutuwa ba tayo sa ganyang ginawa ng mga tinamaan ng tumamang mga… sus ginoo, baka matabil ang dila at mahalikan ko sila sa puwit. Pwe!

******

Matutuwa na sana tayo dahil sa karangalang natamo natin bilang isa sa pinakamasayang bansa sa mundo, pero umasim ang tuwang yan hanggang sa naging sukang Iloko! Idagdag mo pa ang papasanin nating pagtataas sa presyo ng mga bilihin dahil sa bagong batas sa pagbubuwis. Tama si Communications Sec. Martin Andanar sa sinabi niyang – “Even in the bleakest and dire moments of our history as a nation, Filipinos have shown their immense capacity for hope and happiness!”. Nakukuhang pa ring ngumiti  ng mga Pilipino sa likod ng mga nakakasukang pangyayari gaya ng mga pagpatay, pambobomba, panghoholdap (gaya ng ginawa ng ilang nangholdap sa isang malaking Hotel sa Pasay) hanggang sa nagkaroon pa tayo ng giyera sa Marawi. Ganyan ang mga Pilipino. Sa likod ng mga balakid, nakukuha pa nating ngumiti, kahit ngiting aso na! Haayy naku, buhay Pilipino nga naman. Singgulo ng pansit na ginusot ng mga kalamidad. Adios mi amor, cio, mabalos!

ABOUT THE AUTHOR