P200,000 pabuya para makilala ang suspek sa sunog sa Sagada

Headlines

LA TRINIDAD, BENGUET – Naglaan ng halagang P200,000 pabuya ang mga otoridad sa bayan ng Sagada sa Mt. Province kung sino ang makakapagbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng suspek na diumano ay nanunog sa mga kabahayan sa nasabing lugar kamakailan lamang.

Sa ulat ng pulisya ng Sagada naganap ang naturang “arson” noong Nobyembre 8, 2018 na kung saan ay natupok ang isang dalawang palapag na bungalow at tatlong cottages sa Sitio Kiltepan, Barangay Kilong sa bayan ng Sagada na nagkakahalaga ng tinatayang P4.7 milyon. Ang naturang ari-arian ay pagmamay-ari ni Wilson Capuyan, isang negosyante.

Sa imbestigasyon ng Explosive Ordnance Division (EOD) at ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Cordillera police kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Sagada ay nakita ang mga kapiraso ng improvised explosive devices (IEDs), 13 sticks ng dinamita, Salvo Explosives and Chemical PVT, dalawang piraso ng kalahating dinamita na binalot ng packing tape at nasunog na safety fuse.

Sa di kalayuan ay may nakita rin ang mga pulis na dalawang plastic container na pinaniniwalaang pinagsidlan ng gasoline.

Sa mga kaugalian ng mga taga-Sagada na tinatawag nilang “Lawa at Inayan” na kanilang isinasagawa upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek ay hiniling nila sa mga tao at sa mga ispiritu na bigyan ng solusyon ang nagawang krimen at mahuli ang mga gumawa nito.

Nanawagan ang biktima na kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek ay may cash reward siyang ibibigay at mananatiling nakatago ang identity ng informant.

Samantala, umapela naman si PSInsp. Basilio K Hopdayan Jr., chief of police, na maaari siyang tawagan o itext sa kanyang cellphone na may numerong 09989674396/09985987840 o kay Wilson G. Capuyan sa numerong 09189418659. Nangako ito na hindi mabubunyag ang pagkakakilanlan ng sinumang informant. A.ALEGRE / ABN