Mocha, nag-resign pero may banta!

Daplis Walang Mintis Opinion

Maryunes mga pards, akala ng marami na nabunutan na sila ng tinik sa pagre-resign ni Mocha Uson (dating PCOO Usec.) pero baka mas malaking tinik ang kapalit. Ganern?  Naman, talagang ganun nga ang mangyayari dahil may iniwang banta si Mocha. Sabi nga niya: “Abangan ninyo, bakbakan na ito, bakbakan na talaga ito!” Maryusep mga mahabaging sasanto at mga anito, giyera na ere! Ano ba kasing simula’t puno ng kontrobersiya kay Mocha Uson na isang Pangasinanse?

**********

Bago naging under secretary ng PCOO na pinamumunuan ni Sec. Martin Andanar, nakilala siya sa  vlogging.  At noong tumakbo sa pagka-pangulo si Pres. Duterte, naging kaisa siya sa Team Duterte. Umupak siya nang husto hindi lang sa internet kundi pati na sa personal endorsement niya kay Digong. Sabi nga ng ilan: yun ang mga puhunan ni Mocha upang makakuha ng puwesto sa gabinete. Yan ang flashback.  Pero ang kasunod ay mga kabalbalang nagpabantot sa kanyang imahe. Nakaladkad sa alanganin ang isyu ng Federalismo dahil sa kanyang kagagawan kasama ang kanyang katuwang nakakaso ngayon. Sinundan pa ng pangmamaliit sa mga may kapansanan sa ginawa nilang estilo ng pambabastos sa isyu ng ‘sign language’. Dahil sa mga palpak na patutsada, dumami ang nainis at umupak sa kanya at may mga humihiling pa ngang sibakin na siya sa puwesto. Pero sabi naman ng iba, talagang malakas daw ang kapit  nito sa Duterte Administration dahil parang  wala lang ang mga pintas at puna sa kanya ng taumbayan.

**********

Pero nang napag-uusapan na sa Senado ang hiling na budget ng PCOO na abot sa P1.41 billion, dito na nagkaipitan. Sabi nga ni Mocha, kaya iniipit ng mga makakaliwang kongresista ang kanilang budget dahil galit daw sa kanya ang mga mambabatas sa mga inilalabas niya sa social media. Hindi raw siya nakadalo sa budget hearing sa Kamara dahil nasa official mission daw ito sa UN General Assembly sa New York. Kaya pagdating sa Senado, kanyang inanunsiyo na siya’y nagbibitiw na sa tungkulin para hindi na ipitin ang kanilang budget. So, pinalalabas na ‘pa-bida’ pa siya na parang nagsakripisyo para sa budget na yan ng PCOO.  Pero upak naman ng mga galit sa kanya: baka inunahan lang niya bago siya sibakin sa puwesto dahil alam niyang marami na siyang kabalbalang ginawa. Sabi nga niya: “Tila mayroon pong mga kongresista na iniipit ang budget ng PCOO.  Ito pong mga maka-kaliwang kongresista, galit na galit po sa akin. Taon-taon na lang, sinasabihan ako ng, huwag punahin ang mga mambabatas para hindi maipit ang budget ng PCOO. Kaya ako na lang po ang magsasakripisyo para maipasa na ang budget. Nagdesisyon ako na magresign na.” Pero sa buntot ng malumanay niyang kambiyo, rumatsada ang kanyang matabil na dila: “Abangan ninyo, bakbakan na ito, bakbakan na talaga ito. I will campaign against trapo. Hindi ako maglalagay ng listahan ng iboboto, ilalagay ko listahan ng mga huwag iboto mga ul—l! Para sa mga bumabatikos sa akin, ‘wag po kayong magkamaling isipin na nagtagumpay kayo. Hindi ako nagbitiw sa posisyon dahil takot akong harapin kayo. Gusto ko lang pag nagkaharap tayo, patas ang laban. Hindi na kayo nahiya sa ating Pangulo na walang pagod sa katatrabaho para isaayos ang ating bayan. Samantala kayong ilang mambabatas ay ginagamit ang posisyon upang takutin ang mga ahensiya ng gobyerno na hindi sumasakay sa inyong pansariling agenda. Balang araw magkakaharap din tayo. Dadalhin ko ang laban sa Senado at Kongreso!”

**********

Talagang giyera na ang banta ni Mocha. Ano kaya ang susunod na kabanata ngayong malaya na siyang umupak dahil wala siya sa gobyerno? Uupakan daw niya ang mga kalaban ni Digong o ng Duterte Administration.  Tuloy daw ang kanyang laban. Pero banat ng mga kontra-Uson: kayabangan lang yan! At ano ang kanyang ipaglalaban? Ang kanyang mga fake news? Mga pang-aalipusta sa kapwa at pagpapahiya sa ating kababayan? Ano nga ba talaga pards ang susunod na laban? Kung kakandidato sa 2019, mananalo kaya ang kagaya niya? Bayan, kayo na ang hahatol. Adios mi amor, ciao, mabalos!