|  | 

Metro Baguio

Mga menor de edad, may bagong curfew

Ang curfew ng mga menor de edad ay binago at ngayon ay nasa pagitan na ng 9pm at 4am.

Ito ay matapos aprubahan ng konseho ng lungsod ang Ordinance 23 series of 2018 na nag-amyenda sa Ordinance 50 s. 2009 na nagtakda ng oras ng curfew mula 7pm hanggang 5am.

Ang Ordinance 50 ay nag-amyenda naman sa Ordinance 271 s. 1957 na nagtakda sa curfew hours ng mga menor de edad na gumala sa mga daanan, kalsada, plaza, parke at iba pang pampublikong lugar sa lungsod. Ibinagbabawal nito ang mga nasa 16 anyos pababa na gumala o tumambay sa mga pampublikong lugar sa pagitan ng nasabing oras.

Ang bagong ordinansa na iniakda ni Konsehal Elaine Sembrano ay nagbabawal sa paggala ng mga menor de edad sa mga internet shops at gaming facilities.

Ang mga establisimyentong mahuhuling lalabag ay magmumulta mula P3,000 hanggang P5,000 at maaari pang maipasara.

Maging ang mga magulang o guardian na magpapahintulot sa kanilang mga anak na manatili sa labas sa oras ng curfew ay paparusahan din.

Ayon kay Sembrano, “Ang nasabing pagbabago ay matutugunan ang sitwasyon ng maraming mag-aaral na may klase hanggang 8pm at nadi-dismiss malapit sa oras ng curfew. Ang ordinansa ng curfew ay naglalayong pigilin ang mga insidente ng teenage gang, at iba pang mga paglabag sa batas na nagaganap sa gabi, lalo na’t may isa sa mga suliranin ngayon sa kabataan na kung tawagin ay ‘hypebeast’.” MA. KRYSTAL I. DIOQUINO, UB Intern / ABN

ABOUT THE AUTHOR