Mga batang nasasangkot sa krimen, galing sa broken family

Metro BLISTT

Inihayag ni Mayor Mauricio G. Domogan na batay sa rekord ng City Social Welfare and Development Office, karamihang kaso ng children in conflict with the law (CICL) ay mula sa broken families na naninirahan sa lungsod.

Isiniwalat ito ng mayor sa pagbubukas ng 26th National Children’s Month sa city hall grounds.

“It is incumbent to us parents to look after the welfare of our children so they grow to be responsible citizens of our society. We do not want our children to be problems of our society so we are obliged to look after their growth instead of being addicted to our vices that eventually ruin our bond as a family,” aniya.

Pinayuhan nito ang mga magulang na umiwas sa mga bisyo gaya ng paglalasing, paninigarilyo at pagsusugal na kadalasang rason sa pagkawasak ng isang pamilya na nakakapinsala sa kanilang mga anak at nagiging dahilan upang humanap ng atensyon ang mga bata sa kanilang mga barkada na humahantong naman sa pagkapasok ng mga ito sa mga grupo na nagiging masamang impluwensya sa kanila.

Aniya, dapat laging isaalang-alang ng mga magulang ang kabutihan ng kanilang mga anak bago magdesisyon na maghiwalay dahil sa halip na maging responsableng bahagi ng pamayanan ay nagiging problema sila ng lipunan.

Sinabi ng mayor na ang pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre ay isang paalala sa bawat isa na tignan ang ikabubuti ng mga bata, upang maalagaan at magtagumpay sa mga nais nilang marating kaysa masira ang buhay nila dahil sa masamang impluwensya ng barkada.

Ang Republic Act 10661 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino ay nagdeklara sa pagdiriwang ng National Children’s Month tuwing Nobyembre upang ipaalala sa publiko na pahalagahan ang ginagampanan ng mga bata sa lipunan at kailangan silang alagaan upang lumaking responsableng mamamayan.

Hinimok ni Domogan ang lahat ng sektor sa lungsod na patuloy na suportahan ang mga programa ng lokal na pamahalaan para sa pagdiriwang ng National Children’s Month dahil siguradong malayo ang mararating nito sa paggabay sa kabataan patungo sa tamang landas bilang kahalili ng kasalukuyang henerasyon.

Hinikayat din nito ang publiko na iulat sa awtoridad kung may mga batang inaabuso ng kanilang magulang, mga batang pinipilit na magbenta ng plastik sa pampublikong lugar at mga batang barker ng taxi upang agarang maaksyunan ng lokal na pamahalaan at maligtas ang mga bata mula sa mga naturang gawain na nagkokompromiso ng kanilang kaligtasan. BAGUIO PIO / ABN