May Christmas ba sa napurnadang bonus?

Daplis Walang Mintis Opinion

Maligayang pasko mga kabayan. Sana, masaya ang Pasko ninyo. Di gaya ng pasko ng mga heneral ng PNP na pinangakuang bibigyan ng 100K to 400K na bonus. Sus Maryusep, mga santo at santa, kami’y dumadalangin na kayo na ang bahala. Aba’y mantakin mo ang limpak na salaping yan? Abot sa halos kalahating milyong piso bonus ng mga heneral depende raw sa ranggo? Ayna ama a mannakabalin, isalakannakami iti pannakaisagmak. Ang dami riyang halos mamatay sa gutom na mga empleyado ng gobyerno sa liit ng kita, tapos magbibigay ka ng sandamukal na pera, datong, bread, money at kuwarta sa mga heneral na yan??? Oh, my God! E, yong mga PO1 na laging nasasabak sa bakbakan at laging nasa bingit ng kamatayan ang buhay, kakaramput na 13th month pay ang pamasko ng gobyerno sa kanila. Tapos yang mga matataas daw ang katungkulan sa PNP ay tone-tonelada ang bonus??? Maryunes a babassit ken dadakkel. Timbangenyo koma ti isyu kasi baka may mga maghuhuramentado sa galit at inis sa pangakong ire ng pangulo. Pero sandali, hihimayin natin ito, hane? Relax at sumunod:

******

Magugunitang inihayag noong nakaraang Lunes ng Malakanyang at PNP Chief Bato Dela Rosa na magbibigay si Pangulong Duterte ng P100,000. Hanggang P400,000 sa mga heneral pa-bonus nitong Pasko. Umani agad ng sandamukal na mga negatibong reaksiyon ang pahayag. Marami ang nagulat, nagngitngit at mga nagmura sa galit. Resulta: binawi diumano ang pangako at bago magtapos ang taong ito, bibigyan daw ang mga heneral ng tig-iisang sakong bigas na lang. At ayon sa tagapagsalita ng palasyo na si Ernesto Abella, hindi na raw ibibigay ang cash gift na yan. Kasi nga naman nang sumambulat ang ulat na ito, bumanat ang mga tanong ng sosyodad kung saan kukunin ng palasyo ang pondo at bakit tanging mga opisyal lang ang kasama sa grasya, papaano naman ang mga pulis na mabababa ang ranggo? Daplis nga ng iba, mga mabababa ang ranggong pulis ang laging nasa bingit ng kamatayan dahil sila ang nagagamit sa firing line, samantalang ang mga opisyal ay nasa opisina lang at nagmamando. Sabi ng mga legal na luminaryo, illegal ang pondo kung kukunin sa intelligence fund o social fund ng presidente. Hmmm, kaya pala hindi na itutuloy ang pagbibigay. Ganern? Pero may mga ulat na bago magtapos ang taong kasalukuyan, baka raw ibibigay din. Sus maryunes, humirit pa! Naku ha! Hindi po bulag ang taumbayan mga sirs. Hindi bingi at higit sa lahat, gumagamit ng condom! Hoyyy! Saan ka nagpunta! Bonus ang usapan hindi condom. Sa bagay, trak-trak na condom ang katumbas ng halos kalahating milyong pisong bonus ng mga heneral. Mga hoyyy, umayos kayo, please!

******

Maraming empleyado ng iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno ang umangal sa balitang bonus ng mga opisyal ng PNP. Kasi nga naman, sila na ibinuhos na ang buong buhay sa kanilang mga trabaho kahit kapiranggot ang suweldo, pati na ang mga taga-lokal na gobyerno, ni hindi sila nadampihan ng grasyang ganyan kalaki. Tapos, biglang sulpot ang ulat na nakakalulang bonus ng mga heneral? Daplis nila: bakit? Ano ba ang pinagkaiba ng trabaho ng pulis-general at mga empleyado ng ibang sangay ng pamahalaan? Pati nga mga sundalo, hindi rin daw pala napangakuan ng sandamukal na bonus na yan. Bakit kaya sa mga pulis lang? Upang walang maglakas-loob na mag-kudeta? Tanong ng masa yan. Wala kaming maisasagot kundi, abangan ang susunod na kabanata. May sumabat: bakit mga pulis lang ba ang puwedeng gumawa ng kudeta? Alalahaning People Power ang nagpabagsak kina Marcos at Erap. Hmm, may puntos ka, pards. Pero mas maganda kung abangan natin ang next chapter. Tiyak marami pang mga kontrobersiyang bubulaga. Hayy naku, bonus na, nabogus pa! Ngek! Adios mi amor, ciao, mabalos!