Matagumpay na Oplan Undas operation, pinuri

Metro BLISTT

Pinuri ni Mayor Mauricio G. Domogan ang lahat ng sektor ng lungsod na responsable sa matagumpay na Oplan Undas sa paggunita ng All Saint’s at All Souls Day noong Nobyembre 1 at 2.

Sinabi ng mayor na ang zero crime sa pagdiriwang ng All Saint’s Day ay isang living testament na ang mga residente at bisita ay kapwa naging maingat upang masiguro ang proteksiyon ng buhay at ari-arian kapag sila’y wala na sa kanilang mga pamamahay at noong bumisit sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay sa iba’t ibang pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod.

Habang bumaba ang bilang ng mga taong bumisita sa iba’t ibang burial grounds sa lungsod dahil sa epektong sanhi ng paghagupit ng tropical cyclone Rosita, inihayag ng mayor na mayroong kaayusan sa daloy ng trapiko at pananatili ng peace and order sa pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod.

“We are satisfied over the preparations done by our law enforcers and our volunteers in ensuring the orderly flow of traffic inside and outside the different cemeteries. We also congratulate our volunteers who spent their precious time assisting our law enforcers in maintaining law and order round the city instead of being with their families in visiting their departed love ones buried in the different burial grounds in the city,” diin ni Domogan.

Aniya, walang sapat na salita upang ipahayag ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa mga taong nagsakripisyo ng kanilang oras, pagsisikap at resources upang masiguro lamang ang matagumpay na implementasyon ng mga aktibidad na inihanda ng mga concerned agencies para sa Oplan Undas.

Ayon pa sa kaniya, ang samahan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga pribadong sector gayundin ang mga volunteers ay kinakailangang mas mapahusay para sa darating na major activities sa lungsod nang sa gayon ang law and order ay maaabot upang masiguro ang seguridad ng mga residente gayundin ang mga bisita.

Pinuri ni Domogan ang mga personnel ng Baguio City Police Office (BCPO) na nagawang mapanatili ang police visibility sa iba’t ibang sementeryo sa lungsod upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari na maaaring malagay sa alanganin ang buhay. BAGUIO PIO / ABN