Maigting na pagpapatupad sa batas trapiko, tinututukan sa Baguio

Latest News

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagtutulungan ang Department of Transportation (DOTr) at Highway Patrol Group (HPG) upang mahuli ang lahat ng lumalabag sa mga batas trapiko.

Kadalasang paglabag na kanilang nahuhuli ay ang hindi paggamit ng seatbelt, hindi pagsusuot ng helmet at ang mga colorum o hindi nakarehistrong sasakyan.

Ayon kay Police Officer II Anson Banos, non-commissioned officer ng HPG, na katuwang sila ng DOTr sa paghuli ng mga motoristang hindi sumusunod sa batas trapiko dito sa lungsod dahil nagkukulang ng tao ang DOTr sa paghuli ng mga traffic rules violators. Dagdag pa niya na hindi pa naaprubahan ng DOTr ang ibang aplikasyon ng HPG na may kinalaman sa pag-iisyu ng permit para sa mga ito. Dahil ang mga ticket o ang tinatawag nilang Temporary Operator’s Permit ay nanggagaling sa DOTr na ibinibigay naman sa mga violators bilang katibayan na nakumpiska ang kaniyang lisensiya sa pagmamaneho.

Pinakamababang multa sa paglabag ang P1,000 na maaari pang tumaas depende kung pang-ilan na itong paglabag.

Samantala, bunsod ng kakulangan sa impounding area sa lungsod ay dinadala ng impounding officers ang mga nakukumpiskang sasakyan sa labas ng kanilang tanggapan sa Military Cut-Off.

Ayon pa kay Banos, ilan na lamang sa mga nakuhanan ng mga sasakyan at motorsiklo ang tumutubos at nagbabayad ng kanilang mga penalty dahil ayon sa mga ito na “mas mahal pa ang sinisingil sa kanila sa pagtubos ng kani-kanilang mga sasakyan kaysa sa presyo noong binili ito”.

Labing anim naman na motorsiklo ang nabawi ng HPG mula sa La Trinidad at Baguio matapos matangay ang mga ito ng carnappers. Anim na tao ang nakulong at nakasuhan ng carnapping at dalawa naman ang nakasuhan ng paglabag sa anti-fencing law o pagbili ng mga nakaw na sasakyan.

Nakasaad sa Republic Act No. 10883 o ang “New Anti-Carnapping Act of 2016” na mas tumagal ng 20 hanggang 30 taon na pagkakakulong ang sentensiya sa kung sinuman ang mapatunayang lumabag sa naturang batas kumpara sa 14 na taon at 8 buwan hanggang 17 na taon at 4 na buwan sa naunang batas. Naaayon naman sa halaga ng kagamitang nakuha ang kaparusahan sa anti-fencing law, na aabot naman hanggang sa 20 taong pagkakakulong. Bren Antonette C. Embesan, UC Intern