Kaso ng leptospirosis at dengue, tumaas sa CAR

Metro BLISTT

Nadoble ang naitalang kaso ng dengue habang ang mga kaso ng leptospirosis ay tumaas ng 23 porsiyento sa unang 10 buwan ng taon sa rehiyon ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH).

Naitala ng DOH-Cordillera ang kabuuang 6,899 dengue cases mula Enero 1 hanggang Nobyembre 3 ngayon taon, 100-porsiyentong pagtaas mula sa 3,431 mga kasong naitala ng parehong period noong nakaraang taon.

Inililista ng ahensiya ang mga insidente linggo-linggo.

“Based on the collated reports from disease reporting units (DRUs) in provinces comprising the region, there were 11 deaths due to dengue this year, compared with 10 deaths last year,” ani Karen Lonogan, isang nurse sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH Cordillera.

Nakapagtala ang probinsiya ng Kalinga ng pinakamaraming kaso ng dengue na may 1,210; kasunod ang Apayao – 1,203; Benguet – 1,083; Abra – 913; Ifugao – 719; Baguio City – 505; at Mountain Province na may 243 mga kaso.

Ani Lonogan na sa kabuuang naitalang kaso ng dengue, 1,023 mga pasyente ay nagmula sa probinsiya sa labas ng Cordillera subalit mas pinili ang magpagamot sa mga ospital sa rehiyon.

Aniya, sa kabuuang mga kaso, 3,655 ay lalaki na may edad apat na araw hanggang 96 anyos.

Sa 11 na naitalang namatay, walo ay mula sa Cordillera, dagdag niya.

“We urge the public to maintain cleanliness in their houses and in their surroundings by destroying mosquito breeding places,” ani Lonogan.

Samantala, tumaas naman ang mga kaso ng leptospirosis mula 77 sa unang 10 buwan ng 2017 at 95 sa parehong panahon ngayong taon.

Ang mga namatay ay naging triple din, mula sa dalawa noong 2017 at anim na mga namatay ngayong taon.

Ipinaliwanag ni Lonogan na ang leptospirosis ay sanhi ng leptospira bacteria na dala ng mga daga at ibang four-legged animals tulad ng livestock at mga aso.

Aniya, ang leptospira bacteria ay karaniwang kumakalat sa pamamagitan ng kontaminadong tubig na may ihi ng nahawaang hayop, bagaman ang mga kontaminadong pagkain o lupa ay maaari ding maging daan sa paglipat ng sakit.

Base sa ulat ng DRU, mayroong 16 mga kaso ng leptospirosis ang Benguet, Baguio – 13, Apayao – 10; Kalinga – pito, Ifugao – apat, Mountain Province – tatlo; at Abra na may dalawang kaso.

Sa kabuuang mga kaso ng leptospirosis, 40 mga pasyente ay mula sa non-Cordillera provinces.

Nakapagtala naman ang probinsiya ng Apayao ng pinakamataas na pagtaas sa 67 porsiyento, habang ang Kalinga ay nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba sa 42 porsiyento.

Ani Lonogan, nakita sa Kalinga ang malaking pagbaba sa mga kaso ng mga sakit dahil ang mga residente ay mas may kaalaman na sa mga sakit.

“Iba na rin yung health behavior ng community, hindi na sila naghihintay na lumala ang signs and symptoms. Pag feeling nila hindi sila okay, nagpapa-check-up na sila agad,” ani Lonogan.

Hinikayat ng mga opisyal ang mga residente ng Cordillera, lalo na ang mga magulang, na pigilan nila ang kanilang mga anak na lumangoy o lumakad sa mga potensiyal na kontaminadong tubig. P.M. GEMINIANO, PNA / ABN