Iisang desenyo ng DepEd sa school buildings, inirereklamo

Metro BLISTT

Iginiit ng pamahalaang lungsod na hindi nauukol ang disenyo ng Department of Education sa mga gusali ng paaralan sa katangian ng lupa sa Baguio City.

Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na ilang beses nang ipinarating ng lokal na pamahalaan sa central office ng DepEd ang naturang hinaing.

Ito ay bilang reaksyon sa naging pahayag ng pangangasiwa ng Quirino National High School tungkol sa bagong gusaling proyekto ng DepEd na hindi angkop sa lupa ng paaralan.

Paliwanag ng mayor, ang proyektong pagtatayo ng mga gusali sa mga paaralan sa buong bansa ay sa ilalim ng public–private partnership (PPP). “May pondo for school buildings all over the country. Ginawa nila yung design sa [DepEd] central office.”

Ngunit, himutok ng mayor, ang disenyong ginawa ay iisa lamang para sa lahat ng paaralan sa bansa at nakabatay sa patag na lugar. “Of course, alam naman natin na hindi applicable sa atin ito na iba ang itsura ng terrain.”

Inihalimbawa nito ang sitwasyon ng Pinsao National High School na pinuntahan ng contractor para magpatayo ng two-classroom school building. Ngunit, aniya, nang ipinakita ng principal ang development plan ng paaralan at nang nakitang kailangan ang excavation para sa lugar na pagtatayuan ng gusali ay sinabi ng contractor na hindi kabilang sa budget ang excavation. Iminungkahi umano ng contractor na ipatayo na lamang ang gusali sa patag na playground area na ginagamit ng mga bata para sa paglalaro, flag raising ceremony at iba pang special activities, “in short, sisirain nila yung development plan ng coumpound,” pahayag ng mayor.

Aniya, ito ang dahilan kaya hinihiling niya na ang budget para sa lungsod ay direktang i-release sa pamahalaang lokal upang kapag natanggap ang pondo ay makita kung magkano pa ang kulang para maitayo ang naaangkop na disenyo ng gusaling itatayo, “dagdagan natin ngayon sa ating local fund so that hindi natin sisirain yung development plan ng school compound at makagawa tayo ng school building na talagang kailangan nila.”

Samantala, sinabi ng mayor na makikipag-ugnayan ito sa principal ng Quirino National High School upang makuhanan ng larawan ang lugar na inirereklamo at makabuo ng report na isasama ng pamahalaang lokal na ihahain sa DepEd central office. ABN