ESL sa 24 ektarya sa Antamok open pit, di pwede – mayor

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Tinatapos na ngayon ang panibagong survey na isinasagawa sa lupang pag-aari ng Benguet Corporation (BC) sa Itogon, Benguet na isinusulong ng pamahalaang lungsod na mapatayuan ng engineered sanitary landfill.

Ito ay matapos na ang 24.11 ektarya na naunang pinuntahan ng mga tauhan ng Environmental Management Bureau (EMB) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ay nakitang hindi maaaring pagtayuan ng ESL dahil mayroong malapit na ilog sa lugar.

Ayon sa ulat ni Mayor Mauricio Domogan noong Mayo 31, pumayag ang pangasiwaan ng BC na humanap ng ibang lokasyon na maaaring mapatayuan ng ESL sa loob pa rin ng Antamok open pit kaya agad na inutusan ng mayor ang city engineer at hiniling sa surveyor ng BC, EMB at MGB na puntahan ang lugar. “They were able to locate a good area which can pass the requirements of the National Solid Waste Commission,” saad ng mayor.

Aniya ay babaguhin ang usufruct agreement na naunang binuo para sa 24.11 ektaryang lupa kapag natapos na ang survey.

Nagpahayag ng pasasalamat si Domogan sa BC para sa pakikipagtulungan ng kompanya sa pamahalaang lungsod upang masolusyunan ang matagal nang problema sa basura.

Sinabi ng mayor na matagal nang naghahanap ang lungsod ng lugar na maaaring pagtayuan ng ESL at maraming properties na ang tinignan at pinag-aralan para malutas ang problema sa basura ngunit ilang taon na ang nakalipas ay nanatili pa ring bigo ang lokal na pamahalaan.

Kabilang dito ang lugar sa Rosario, La Union na hindi itinuloy dahil sa ordinansa ng probinsya na nagbabawal sa pagdadala ng basura mula sa labas ng probinsya papasok sa La Union.

Dagdag pa ni Domogan na pinag-aralan din ang lugar sa Sablan na tinukoy ni dating mayor Reinaldo A. Bautista Jr. ngunit matapos ang pagsusuri ng solid waste commission ay nakitang hindi rin maaaring pagtayuan ng ESL ang lugar, “maliban sa high cost of development, may tubig na naman na malapit sa lugar.”

Binalikan ng lokal na pamahalaan ang lugar sa Sto. Tomas, Apugan at Camp 7. “Problema na naman, maliban sa talagang matinding opposition of some claimants in the said area, ang laki ng site cost development. In short, talagang it will take a long, long time,” saad ng mayor at idinagdag nito na tinitignan ng lungsod kung saan ang pinakamabilis na puwedeng pagtayuan ng ESL.

“Fortunately, kasi noon pa na sinasabi ni Chairman of Benguet Corporation at that time, Philip Romualdez, sa atin na gusto nilang tulungan ang city na ibigay nila yung portion of the Antamok open pit na gagamitin ng city na libre… as its solid waste disposal site. Kung sakali mang may babayaran, bayaran natin sa Itogon, being the host municipality.”

Malaki ang pag-asa ng mayor na ang pagtatayo ng ESL ay masimulan na ngayong taon, “kung sakaling ma-finalize na naman ang survey, we have to again call the local officials of Itogon para ma-finalize na lahat.”

Kaugnay nito ay iniulat ni Domogan na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang realignment ng P11.5 milyon para magamit sa development ng transfer area “so that we can really comply with the no touchdown [policy] at maayos yung area na ‘yan,” pagtukoy ng mayor sa 5 ektaryang lupa sa Dairy Farm na inaprubahan ni Department of Agriculture Sec. Emmanuel Piñol na ginawang waste transfer station ng Baguio.

Sa pamamagitan ng Ordinance No.70, s. of 2018 ay inaprubahan ng SP sa kanilang special session noong Mayo 25 ang naturang realignment ng budget, batay na rin sa kahilingan ni Mayor Domogan. ABN