Breaking News
     |  | 

    Metro Baguio

    Di pagbayad ng amusement tax, idinepensa ng BCC

    Ikinatwiran ng Baguio Country Club (BCC) na hindi ito obligado na magbayad ng amusement tax para sa operasyon ng Christmas Village dahil ang pangunahing itinatampok nito ay ang pang-Paskong dekorasyon na gawa sa recyclable waste materials na binuo at ginawa ng kanilang mga empleyado.

    Sa kanyang sulat kay City Treasurer Alex Cabarrubias, ipinaliwanag ni BCC general manager Anthony R. de Leon na ito ay pagtatanghal o exhibit ng mga naturang dekorasyon na inilagay sa isang mock up village upang lubos na mabigyan ng halaga kaysa kung ipakita ang mga ito bilang ordinaryong display lamang.

    “We added a snow machine, nativity pageant and choir as supplementary activities to characterize a Christmas ambience for which the club spent nightly, and that is where the proceeds of the admission tickets were used. Note that we do not charge fees for members and persons with disability (PWDs),” giit ni de Leon.

    Sa nabanggit na layunin at katangian ng Christmas Village, sinabi ni de Leon na pinaninindigan ng pamamahala ng BCC na ang aktibidad ay kabilang sa hindi nasasaklawan ng amusement tax sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9640 at RA No. 7160 o ang Local Government Code of the Philippines.

    Sa probisyon ng naturang batas na sinipi ng BCC, ang pagdaraos ng mga “operas, concerts, dramas, recitals, paintings, and art exhibitions, flower shows, musical programs, literary and oratorical presentations, except pop, rock, or similar concerts, shall be exempt from the payment of the necessary tax imposed by the concerned local governments”.

    Nauna rito ay sinulatan ni Cabarrubias ang BCC at sinabi na ang Christmas Village, kung saan ay nangongolekta ang BCC ng admission fee, ay dapat magbayad ng amusement tax sa lokal na gobyerno na 10 porsyento ng nakolekta sa admission fees, sa ilalim ng RA 9640 at Ordinance No. 2000-0001 o ang Revenue Code of Baguio City.

    Hiniling nito sa BCC ang deklarasyon ng mga resibo mula sa operasyon ng Christmas Village na nagsimula noong Nobyembre 2017 at nagtagal hanggang Enero 2018 at ang katumbas na amusement tax mula sa koleksyon sa naturang aktibidad.

    Binigyang-pansin din ni Cabarrubias na may mga stall o mga pwesto na itinayo sa naturang aktibidad kaya hiniling din nito sa BCC na magsumite ng listahan ng mga may-ari ng mga pwesto upang malaman ng lokal na pamahalaan kung may mga business permit sila at ginagampanan ang obligasyon sa lungsod.

    Umaasa naman si De Leon na nabigyan ng linaw ang layunin ng Christmas Village ng BCC at kung bakit hindi ito saklaw ng pangongolekta ng amusement tax ng lokal na gobyerno. BAGUIO PIO / ABN

    ABOUT THE AUTHOR