Dating miyembro ng Army, huli sa kasong rape

Headlines

CAMP DANGWA, BENGUET – Isang dating miyembro ng Philippine Army na tinaguriang Apayao’s Top Most Wanted Person (TMWP) na may reward na   P90,000 ang nasakote na sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City, Metro Manila, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera. 

Nabatid kay Supt. Carol Lacuata, regional information officer, magkakasanib na puwersa ng Regional Intelligence Unit-14 at Conner MPS, ang nakipag-coordinate sa Caloocan City Police District, PCP 1, para arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ang suspek na si Vicente Tabbu Licayo, 64, tubong Tuao Cagayan at nakatira sa No. 143 Asuncion Street, Morning Breeze Subdivision, Barangay 84, Caloocan City, noong Hulyo 2.

Ayon kay Lacuata, si Licayo ay nahaharap sa kasong rape in relation to RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) sa sala ni Judge Quirino M. Andaya ng Branch 26, RTC, 2nd Judicial Region sa Luna, Apayao.

Si Licayo ay dating miyembro ng Philippine Army at ibinilang na No.4 TMWP ng Apayao noong 1st Quarter at No.5 TMWP noong 2nd Quarter ng taong 2018.

Naging No.1 TMWP ito sa bayan ng Conner, Apayao mula 2015 hanggang 2017. Bunga nito, nagpalabas ang DILG ng Memorandum Circular No. 2010-54, para sa reward na P90,000.

Bago ito namataan sa kanyang pinagtataguan, ang suspek ay caretaker sa isang apartment sa Caloocan City, nang matiyempuhan siya ng mga regional intelligence officer sa isang tindahan noong Hunyo 29 at saka isinagawa ang pagdakip sa suspek. ZALDY COMANDA / ABN