CHED M.O. 20 – Pagpatay sa nasyonalismo at pagkamakabayan

Editorial

Nakikilala ang lahi ng isang mamamayan sa kaniyang katutubong wika. Patunay din ang wika sa pagiging makabayan ng isang tao, subalit bukod sa kaalaman at kahusayan sa pagsasalita ng isang wika ay kailangan ding may kaalaman o mas tamang bihasa ang isang mamamayan sa mas malalim pang nilalaman ng kaniyang wika at lahi. Bilang isang Pilipino, ang Panitikan at wikang Filipino ay dapat pag-aralan at magkaroon ng sapat na kaalaman sapagkat napakayaman at marami pang dapat saliksikin sa mga ito.

Nasasaad sa Artikulo 14, Seksiyon 6 ng Saligang Batas ”Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.  Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika; Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon”.

Alinsunod dito ay ipinatupad ang pagtuturo ng wikang Filipino at Panitikan sa mga paaralan bilang mga “core subjects” simula’t- mula pa. Ngunit noong 2013 ay inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang Memorandum Order No. 20, series of 2013 o ang tinawag nilang  “General Education Curriculum Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies” kung saan ay tinatanggal ang pag-aaral ng Filipino, Panitikan at ang Philippine Constitution bilang mga core subjects sa kolehiyo. Nagkaroon ng kautusan ang korte noong 2015 ng isang Temporary Restraining Order (TRO) bunsod ng ipinilang apila ng mga grupong tutol at hadlangan ang pagpapatupad ng nasabing Memorandum Order ng CHED. Subalit kamakailan lang ay kinatigan ng Korte Suprema ang kautusan ng CHED na naaayon diumano sa Konstitusyon.

Ayon sa grupong Tanggol Wika ay maaaring maapektuhan at mawalan ng trabaho ang nasa 10,000 guro at magkakaroon ng problema sa pagbabago ng education curriculum ng bansa sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan. Isa raw pagsampal sa mga guro at professors na kumuha ng higher studies sa Filipino at Panitikan ang kautusan na tila sinasabing hindi na importante ang disiplinang kanilang pinag-aralan at pagdadalubhasa sa matagal na panahon.

Hinihikayat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang CHED na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng mga polisiyang nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino gayundin ay suportado nito ang pagpipila ng “motion for reconsideration” ng mga grupong nagsusulong ng paggamit ng Filipino gaya ng Tanggol Wika. Higit sana dito ay mas mabuti siguro at karapat-dapat lamang na pangunahan na ng KWF bilang kahanay na komisyon ng CHED ang pagtatanggol sa Filipino at Panitikan.

Kaisa kami sa pagsusulong ng paggamit ng wikang Filipino at ang patuloy na pagtuturo at pagsaliksik sa yaman at ganda ng ating Panitikan at suportado rin namin ang mga hakbang na proteksiyunan at panatilihin ang Filipino at Panitikan na maituro sa kolehiyo. Dahil naniniwala kaming ang patuloy at maigting na pagtuturo sa mga ito sa mga susunod nahenerasyon ay malakas na sandata ng kabataan sa napakabilis na pagbabago ng kaligiran, lipunan at uri ng pamumuhay. Hindi masama na matuto ng ibang lengguwahe dahil totoong kasangkapan din ito sa pagbabago ng buhay at pakikipagtalastasan sa mga banyaga.Subalit bago natin subukang matuto sa ibang banyagang lengguwahe ay dapat lamang na sapat ang ating kaalaman at bihasa na tayo sa ating sariling wika at panitikan.

Dahil kapag buhay lamang si Gat Jose Rizal ay baka makarinig tayo ng maanghang na payo lalo na ang CHED at ayaw din naman natin na maging mabaho at malansa dahil sa hindi pagmahal sa sarili nating wika.                                                                      PMCJr.