Bunga ng paghihiganti, 8 anyos na bata pinaslang

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Paghihiganti ang sanhi ng kamatayan ng isang 8-anyos na grade 2 pupil na natagpuang patay sa old library parking area sa Burnham Park  noong nakaraang Hulyo 5, 2018 ng mga otoridad.

Sa pagsisiyasat ng tanggapan ng Precinct 5 ng Baguio City Police Office sa pangunguna ni Chief Inspector Francisco Cacas, nakita umano ng ilang saksi ang bata na bangkay na matapos walang awang pinagpapalo ang ulo nito at katawan ng isang tipak ng bato. Natagpuan ang bangkay ng biktima sa Burnham Park dakong 11:15 ng umaga noong Huwebes ng linggong ito.

Ang bata na residente ng Green Valley Barangay dito sa lungsod ay basag ang bungo at lamog ang mukha matapos na ilang beses na pinukpok ito sa ulo gamit ang bato na nakitang katabi ng bangkay nito.

Ayon kay Cacas, may witness na nagturo sa pagkakakilanlan ng suspek na agad din namang nadakip at kinilalang si Randy Mamalagro Doria, 26 anyos, isang garbage scrapper, at tubong Magtaking, San Carlos City, Pangasinan.

Inamin naman ng suspek nagawa niya ang krimen bilang paghihiganti sa hindi makataong trato ng ama ng bata sa kanya. Nakapiit na sa Baguio City Jail ang nasabing suspek. ACE ALEGRE / ABN