Baguio team, wagi sa Muay Thai national championship

Metro BLISTT

Nangibabaw ang Team Baguio matapos nilang dominahin ang parehong Senior at Junior Division sa naganap na 3rd Muay Thai National Championships sa Philippine Sports Complex sa Pasig City noong Nobyembre 15 hanggang 20, 2018.

Masayang ibinalita ni Mayor Mauricio G. Domogan ang pagwawagi ng Team Baguio sa nahakot na 16 ginto, 10 pilak, at 9 tansong medalya sa Junior Division habang 7 ginto, 1 pilak, at 7 tanso sa Senior Division.

Samantala, pumangalawa naman ang Sta Rosa City (13 ginto, 11 pilak, 15 tanso); sinundan ng Zamboanga (8-0-0); Olongapo City (5-4-4); DepEd Benguet (4-7-5); at Quezon City (3-9-4) sa Junior Division.

Sa Senior Division ay pumangalawa sa Baguio ang Pasig City (4-0-0); sinundan ng Benguet Province (2-3-2); Las Piñas (2-1-2); Cebu City (2-1-1); at Malabon City (1-2-3).

Ang Muay Thai National Championships ay itinuturing na pinakamalaking Muay Thai amateur event sa bansa na inorganisa ng Muay Thai Association of the Philippines (MAP).

Nagpasalamat naman ang mayor kay Philippine Sports Commission Chairman William “Butch” Ramirez sa pagtulong nito upang magkaroon ng transportasyon ang delegasyon ng lungsod mula Cubao hanggang sa sports complex sa Pasig City kahit pa madaling araw.

Siniguro din ng mayor na ang mga atleta at kanilang mga coaches ay makakatanggap ng mga insentibo gaya ng nakasaad sa ordinansa ng lungsod. ABN