Bagong OIC inayawan, Saculles nanatiling hepe

Metro BLISTT

Hindi pa man nakaupo sa pwesto ang bagong itinalaga ng Kampo Crame na pansamantalang hepe ng lungsod ay agad na itong pinaalis bunsod ng maigting na reklamo mula sa lokal na pamahalaan.

Bagaman naisagawa na ang turnover ceremony para sa paglilipat ng tungkulin ni PSSupt. Ramil Saculles bilang city director ng Baguio City Police Office (BCPO) kay bagong officer-in-charge director PSSupt. Gerardo Umayao noong Lunes ng hapon (Hulyo 2, 2018) ay iniurong ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang pag-upo ng huli noong Hulyo 3.

Ayon kay Umayao, nakatanggap na ito ng tawag mula sa Camp Crame kaugnay ng nasabing isyu ngunit hindi pa nito nakikita o natatanggap ang order, “Wala naman pong problema diyan pero hindi ko pa natatanggap ‘yong order kung ako’y mananatili sa Cordillera o babalik ako sa Crame, hihintayin ko pa iyon. Pero parang ang pagkakasabi sa akin ay hindi tuloy ang pag-upo ko dito sa Baguio City.”

Samantala, tila nagpupuyos naman sa galit nang ipinahayag ni Mayor Mauricio Domogan ang pagkadismaya niya sa PNP sa isinagawang flag raising ceremony noong Lunes ng umaga.

Aniya, ang ginawa ng PNP na biglaang pagtanggal kay Saculles bilang city director ay kabastusan dahil wala itong koordinasyon mula sa city government ng Baguio. Idiniin pa niya na hindi niya tatanggapin ang itinalagang OIC-director nang walang koordinasyon na magmumula sa PNP.

Dagdag niya, kailangang sundin ang tamang proseso sa pagpapalit ng chief of police.

Sinabi niya na kailangang magsumite ng limang pangalan ng mga napipisil na maging city director, at kailangang magkaroon ng dalawang araw upang piliin ang nararapat na umupo sa pwesto.

Sa pakikipanayam kay Umayao, sinagot niya ang hindi pagtanggap sa kanya ng mayor bilang OIC-director.

“Pinadala po ako dito dahil choice po ako ng SOPPB [Senior Officers and Placement Promotion Board] ng Crame, so ako po’y susunod dun at ako po ay maglilingkod dito sa Baguio…magko-courtesy call po ako sa kanya at kung ano man po ang maging kautusan niya ay agad naman po akong makasunod.”

Nilinaw din niya na simula pa sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang SOPPB na ng Crame ang sumasala at namimili sa mga karapat-dapat na opisyal ng kapulisan na dapat italaga sa mga pwesto.

Samantala, sa lingguhang Ugnayan ng mayor ay humingi ito ng paumanhin kung naging madiin ang pagtanggi nito sa pagkakatalaga ni Umayao, ngunit pinanindigan ni Domogan ang pagkadismaya sa PNP sa hindi pagsunod sa wastong sistema ng pagtatalaga ng city director.

“Palagi naman na ganito ang ginagawa nila sa city of Baguio,” himutok ng mayor at inisa-isa ang mga pagkakataon na biglang napapalitan ang OIC ng BCPO nang walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan.

Aniya, nagkakaroon ng problema lalo na kung baguhan at walang alam sa sitwasyon at kultura ng lungsod ang itinatalagang OIC ng pulis na habang nangangapa ay nagdurusa ang mamamayan ng Baguio.

Sinabi ni Domogan na mas makabubuti sa lungsod kung ang city director ay isang Cordilleran at makakapagsilbi nang 24 oras, araw-araw.

Sa kasalukuyan ay nanatili si Saculles bilang hepe ng BCPO. MELANIE ANGA-ANGAN / ROMELO DUPO III, UC INTERN / ABN