Armadong amazona tiklo, 5 drug pusher huli

Headlines

CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET – Isang 26 anyos na babae na diumano ay armadong miyembro ng New Peoples Army ang nadakip ng kapulisan ng lungsod matapos ipagbigay alam ito ng isang impormante na diumano’y may mga babaeng armado na nakita sa Block 8 Muslim Village Purok 15, Cypress Irisan noong nakaraang linggo.

Sa ulat ni Sr.Supt. Ramir Saculles, acting city director ng Baguio City Police Office kay Chief Supt. Elmo Francis Oco Sarona, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, nakilala ang nasabing “amazona” na si Camela Bañaga Cuares, 26, walang trabaho at nakatira sa No. 77 Purok 14 Cypress Irisan Barangay.

Bago pa man nadakip ang nasabing amazona ay may nagbigay ng impormasyon sa tanggapan ng BCPO na may armadong kababaihan na nakita sa at Block 8, Muslim Village Purok 14 Cypress Irisan barangay. Agad namang rumesponde ang kapulisan sa nasabing lugar at nakita nila ang dalawang babae na ang isa ay si Cuares at ang isa naman ay si Quennie Rose Tusi Mata. Nakumpiska mula sa kuwarto ni Cuares ang mga bala ng kalibre .45, medisina, plastic na container at ilang subversive na mga dokumento. Pinakawalan si Mata ng pulisya dahil wala umanong ebidensya na nagtuturong miyembro siya ng NPA.
Samantala noong araw ding iyon ay nadakip ng anti-drug police ang limang pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na droga sa magkahiwalay na police operation.

Unang naaresto sina Danilo Panis Suguitan, 47, taga-Pinsao Proper, at Raul Fontanilla Dacpano, 28, ng Cabinet Hill, kapwa taga-Baguio. Nadakip ang dalawa sa isang buy bust operation sa harap ng Caltex Station, Upper Session Rd, DPS Compound.

Nakuha sa mga suspek ang 30 piraso ng plastic na may lamang shabu isang cellular phone at ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P500.

Nasakote rin ang tatlong drug dealer sa isang mumurahing inn sa Kayang Street na nakilala na sina Matty Andrada Llanes, 33; Roel Aberin Salude, 40; at Abegail Abenes Calawagan, 19, lahat ay naninirahan sa lungsod.

Nakuha mula sa tatlong tulak ng droga ang 16 piraso ng plastic na may lamang shabu na nagkakahalaga di umano ng P12,075.
Ayon kay Sarona, “Our office is serious in the enforcement of this special law on illegal possession of firearms and other illegal activities and we encourage the public to report any one who violates the law to the nearest police station,”. ABN