Ang Probinsiyano – bagong giyera!

Daplis Walang Mintis Opinion

Anoo may giyera? World War 3? He he, relaks lang mga Kapuso at Kapamilya! Kinilabutan tuloy kayo dahil kamakailan ay andito sa bansa ang pinakamataas na opisyal ng China na si Pres. XI Jinping. Maganda ang resulta ng usapan nila ni Pres. Digong. Pero teka pards, ano ba yung Giyerang kontrobersiya ngayon? Ano fe, di yung umuusok sa banatan sa Social Media hanggang sa kasuluk-sulokan ng kaliit-liitang purok sa lahat ng dako ng bansa. Yan ang mga isyung ibinabato sa teleseryeng pinagbibidahan ni Coco Martin na “Ang Probinsyano”.  Bakit at paano nagka-giyera? Anyari ba?

***********

Pumugak, este, pumutok kamakailan ang batikusan laban sa Ang Probinsyano dahil sa komento ng mga opisyal ng PNP at DILG. Sabi nayuyurakan daw diumano ang kanilang malinis na imahe o dangal. Ganern? Bakit parang totoo na ba ang istorya ng Ang Probinsyano at may mga nasundot ang sinapupuwitan? Bakit may mga naanghangan ba sa patutsada ng mga eksena sa istorya kaya may banta pang kakasuhan daw ang producer ng sikat na teleserye? Sus ginoo. Manunulat din tayo kaya parang nakiliti rin kami sa kontrobersiya. Di ba kapag gumawa ka ng kanta o istorya meron kang nahalukay na napapanahong maaaring basehan ng porma o presentasyon ng iyong obrang gagawin? Na ang ibig sabyan pards, FICTION o KATHANG-ISIP lang. Kung nagkataong may mga kahawig na pangyayari, lugar o persona ang laman ng istorya, kathang-isip lang yan at hindi sinasadya, di bra, este di ba?

**********

Hindi naman natinag ang buod ng ABS-CBN at ang Ang Probinsiyano. Nakipagpulong sila sa mga taga-DILG kamakailan. Anong nangyari? Hindi naman sila pinapatigil at hindi sila pakikialaman sa laman ng istorya o serye. Ganon naman pala, eh! Sabi nga ng MTRCB mismo nang sila’y matanong – “walang nilabag na tuntunin ng MTRCB ang Ang Probinsyano. Ganern ulit. So malinaw. At habang sinusulat ang espasyong ire, marami ang nag-aabang kung anong mangyayari sa paghaharap ng mga taga-Ang Probinsyano at ng PNP sa pamumuno ni Gen. Oscar Albayalde. Ano kaya ang pakiusap o maaaring utos mula sa PNP na dapat sundin naman ng Ang Probinsyano? Sandamukal kasi ang mga katanungan sa ngayon dahil sa kontrobersiya. Sabi nila: baka naman malapit sa katotohanan ang mga laman ng teleserye kaya may mga nainsulto o napasaringan. E, bakit daw, tatlong taon na ang teleserye ngayon lang nagkaroon ng kontra? Oo nga hane? Di dapat sana noon  pang unang mga eksena na may mga pasaway na otoridad na nalahad ay humiyaw na sila ng “foul” di ba? Bakit ngayon lang? Bulong naman ng ilan: baka kasi magkatotoo! Ngek!

**********

Maraming haka-haka ang lumutang nang nabatikos ang Ang Probinsyano. Sabi ng isang mahilig sa silipan: baka raw “Kapuso fan” ang mga nagrereklamo kontra sa kasikatan ng Ang Probinsyano ng “Kapamilya” Network. O baka raw dahil sa huling resulta ng survey ay malayong mataas ang Probinsyano kumpara sa katapat . May lumutang pa nga kamakailan na aalisin na raw ng PNP ang kanilang suporta sa produksiyon ng Ang Probinsyano. Siguro maaaring sa paghiram sa kagamitan o kauring serbisyo. Pero sa ganang amin, maganda ang mga tapik o puna sa mga totoong nagaganap sa sosyodad upang ito’y maitama o maiwasto, di ba? Di tayo dapat magbalat-sibuyas kung tayo naman ay “balat-buwaya” sa maling gawa. Hirit: tayo daw ba ay fan ng Probinsyano? He he, fan kami ng Tambalan sa Z-Radio at Amianan, period! Batobato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos!