55 barangay officials, nasa floating status

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Nanatiling nasa “floating status” ang 55 barangay elected officials na nanalo noong Barangay and SK Elections dahil sa hindi pagsumite ng Statements of Contributions and Expenses (SOCE) mula sa 30 araw na palugit na nagtapos noong Hunyo 13.

Makalipas ang isang buwan, pormal na nag-abiso sa pamamagitan ng sulat si Mayor Mauricio Domogan sa mga apektadong barangay officials na hindi puwedeng mag-duty at tumanggap ng honorarium ang isang barangay official na hindi nag-file ng SOCE, hangga’t wala pang ipinapalabas na desisyon ang Comelec En Banc.

Ang abiso ay ginawa ni Mayor Domogan makalipas ang ilang araw nang manumpa sa kanya ang No.1 kagawad  na si Abdul Cader Gunting bilang acting Punong Barangay ng Ferdinand Barangay, upang hindi mabinbin ang mga transaksyon sa barangay, dahil ang punong barangay na si Emmanuel Cabe ay hindi nag-file ng SOCE.

Ang nasabing abiso ni Mayor Domogan ay naging basehan ng punong barangay para pagsabihan ang kanilang kagawad na hindi nag-file ng SOCE na huwag gampanan ang mga tungkulin nito.

Sa sulat na inisyu noong Hulyo 30, iginiit ni Mayor Domogan ang Section 5, Rule 10 ng Comelec Resolution No.9991 na may petsang October 2,2015 na inamyendahan ng Comelec Resolution No. 10069 na may petsang March 1,2016, Comelec Resolution No.102019 noong September 27,2017 at Comelec Resolution 10247 noong January 15,2018 na nagsasaad:

“Section 5: Effect of Failure to File Statement – Persons elected to any office shall not enter upon the duties of their office until they have filed their SOCE with the relevant schedules and supporting documents, in accordance with the formal requirements set by these rules.”

Sa usaping ito, sinabi ni Baguio Comelec Officer Atty. Paul John Martin na malinaw ang nakasaad sa Comelec Rule na hindi makakapag-assume ng duties ang isang elected officials na hindi nag-file ng SOCE, na dapat ay naging basehan na ng mga punong barangay para pagsabihan ang kanilang kagawad at SK na walang SOCE.

Aniya, ang campaign finance office ng Comelec ang nakatutok para tignan ang mga kandidato na hindi nag-file ng SOCE noon at ngayon. Bago pa man ang barangay election ay nai-published sa Comelec website noong Abril 13,2018, ang mga na-disqualify na kandidato na dalawang beses o magkasunod na hindi nag-file ng SOCE.

Sinabi pa ni Martin, noong matapos ang deadline ng SOCE ay hindi na sila tumanggap sa late filing, dahil wala itong extension, kaya sinasabihan nila na sa Comelec central office na mag-file ang mga nahuling kandidato.

Ang mga hindi nag-file ng SOCE ay sina Ferdinand Punong Barangay Emmanuel Cabe; Barangay Kagawad Felix Bentayen ng Balsigan; Jaime Rillorta ng Cabnet Hill; Joelito Boter ng Kayang Hilltop; Benjie Pinlac ng AZKCO; Crisanto Perez ng Lucnab; Marlon Padullon ng Manuel Roxas; Rogelio Bayuga ng Pacdal; Remedios Cabe ng Ferdinand; Almoite Alfredo ng Ferdinand; Basilia Nebrija ng San Luis; at Julio Pangat-at ng San Vicente.

Ang tatlong SK chairmen ay mula sa Barangay Slaughter Compound, Lower Lourdes at Pinsao Proper at 40 SK kagawad ang hindi nagsumite o nahuling nag-file ng SOCE sa lungsod. ZALDY COMANDA / ABN