5 katao patay sa rabies sa Cordillera

Metro BLISTT

Patay sa rabies ang limang katao sa rehiyon sa unang 40 linggo ngayong taon ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health – Cordillera (DOH-CAR)

Ang naturang bilang ay pareho rin sa limang kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon kay Geeny Anne Austria ng DOH-CAR Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU).

Batay sa ulat ng DOH-CAR, ang naitalang kaso ngayong taon ay apat ang mula sa Apayao o 80 porsyento habang ang natitirang 20 porsyento o isang kaso na naitala ay mula sa labas ng rehiyon.

Sa naturang ulat ay 60 posyento o tatlo ang bilang ng lalaking naapektuhan ng rabies habang ang edad ng mga biktima ay mula 4 hanggang 59 anyos at may median na 35 anyos.

Paliwanag ng mga eksperto sa kalusugan, ang rabies ay isang zoonotic disease o naihahawa sa pagitan ng hayop at tao. Ito ay isang human infection na dulot ng lyssavirus, kadalasang naihahawa sa pamamagitan ng kagat ng hayop na apektado ng rabies.

Maaari ding mahawa kung ang nakakahawang bagay, kadalasan ay laway, ay direktang nailapat sa sugat.

Ayon sa mga eksperto, bihira na naihahawa ang rabies sa pamamagitan ng paglanghap ng virus-containing aerosol o sa pamamagitan ng infected organ transplants.

Kabilang sa early symptoms ng rabies ang lagnat at bahagyang pagkirot sa sugat o apektadong bahagi.

Ito ay susundan ng marahas na paggalaw, hindi makontrol na excitement, pagkatakot sa tubig, hindi maigalaw ang ilang bahagi ng katawan, pagkalito at pagkawala ng kamalayan. Ayon sa mga doktor, kapag nakita na ang mga naturang sintomas ay humahantong sa kamatayan ng apektadong pasyente.

Kadalasang nakikita ang sintomas matapos ang isa hanggang tatlong buwan mula sa pagkahawa ng virus ngunit maaari din itong mag-iba mula sa ilang araw hanggang sa mahigit isang taon.

Ang haba ng panahon ay depende rin sa distansya ng virus mula sa apektadong bahagi hanggang maabot nito ang central nervous system.

Pinayuhan ni Austria na ang mga nakagat ng aso o pusa ay dapat na linisin agad ang sugat ng sabon at tubig at agad kumonsulta sa pinakamalapit na medical center para sa nauukol na bakuna habang inoobserbahan ang hayop na nakakagat sa kanila. BAGUIO PIO / ABN