4 NPA sumuko matapos ang engkwentro sa Ifugao

Provincial

LUNGSOD NG BAGUIO – Humantong sa pagsuko ng apat na rebelde at pagkasamsam ng magkakaibang uri ng armas ang isa’t kalahating oras na engkwentro ng Philippine Army kontra sa New Peoples’ Army, umaga ng Miyerkules (Nobyembre 21), matapos na nilusob ng militar ang kampo ng rebelde sa sitio Lab-ong, Barangay Namal, Asipulo, Ifugao.

Ang dalawang rebeldeng naunang naiulat na sumuko ay kinilala bilang Ka Rambo at Ka Hadji, na ayon sa militar ay kusang loob na sumuko matapos ang engkwentro.

Nakuha rin ng tropa ng militar ang dalawang hand grenades, isang rifle grenade, dalawang long magazines at tatlong short magazines na may 66 na mga bala, isang M16 rifle at isang US Garand rifle mula sa dalawang rebelde.

Walang naiulat na nasawi sa tropa ng gobyerno ngunit, ayon sa militar, ilang rebelde ang maaaring napatay at nasugatan sa kanilang pagtakas matapos silang madaig ng mga lumusob na tropa ng gobyerno.

Matapos ang engkwentro ay nakuha rin sa kampo ng rebelde ang isang K3 squad automatic weapon, tatlong M16 rifles, M203 grenade launcher, limang improvised explosive devices, cellular phones, 27 blasting caps, dalawang detonators, tatlong NPA flags, isang generator set, mga dokumento ng rebele at mga pagkain.

Samantala, dalawa pang kasapi ng komunistang grupo ang sumuko sa mga sundalo sa parehong araw na kinilala lamang sa kanilang alyas na Ka Iyong, diumano ay squad leader ng Squad Uno ng Nona Del Rosario Command sa Ifugao, at Ka Cindy, miyembro rin ng naturang rebel command.

Ayon kay Lieutenant Colonel Narciso B. Nabulneg Jr., commander ng 54th Infantry Battalion, ang impormasyon tungkol sa kampo ng NPA ay nagmula sa mga residente sa lugar.

Sinabi ni Nabulneg na abala ang mga rebelde sa pangingikil sa masa bilang paghahanda sa kanilang malaking aktibidad sa susunod na buwan. “This scheme irate the masses who hardly meet their everyday needs,” aniya.

Ang Communist Party of the Philippines (CPP) ay madiriwang ng ika-50 taon sa Disyembre 26. A.ALEGRE / ABN