Breaking News
     |  | 

    Headlines

    3 katao patay dulot ng habagat sa Cordillera

    img-responsive

    LUNGSOD NG BAGUIO – Tatlo katao ang patay, samantalang isa ang sugatan dulot ng patuloy na pag-uulan sa magkahiwalay na lugar sa Mt. Province at Baguio City noong Hunyo 13, ayon sa Office of the Civil Defense-Cordillera.

    Nabatid kay OCD Regional Director Andrew Alex Uy, natagpuang patay umaga ng Miyerkules si David Apaling ng Besao, Mt. Province, na pinaniniwalaang nahulog sa bangin habang ito ay naglalakad sa gilid ng kalsada, na posible umanong nadulas  habang malakas ang bugso ng ulan. 

    Sa pagguho naman ng lupa ay kasabay na bumagsak ang temporary office o barracks sa construction site ng isang condominium sa may Sandico St., Salud Mitra Brgy. Baguio City, Miyerkules ng hapon.

    Kinilala ang mga biktima na sina Engr. Patrick Lachica, 23-anyos, project engineer, residente ng Beckel, La Trinidad, Benguet at si Hanah Jean Aragon, 22-anyos, HR representative ng kinauukulang kompanya, at residente ng Happy Homes, Baguio City.

    Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nasa barracks umano ang mga biktima, dakong alas tres ng hapon, nang biglang gumuho ang gilid ng lupang kinatitirikan ng barracks, dulot ng malakas na agos ng tubig ulan sa kalsada at natangay sa pagguho ang kanilang barracks pababa sa construction area at natabunan sila ng lupa.

    Agad namang rumesponde ang mga kasapi ng City Police Office Station 3, rescue 911, at iba pang mga volunteer hanggang sa mahanap ang mga biktima.

    Patay na ang mga biktima bago pa man sila isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center.

    Kinilala naman ang sugatang si Joshua Valencia,24, ng Magsaysay-Loakan, Baguio City, nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanyang mga paa na nasa steel bars, habang ginagawa ang isang bahay.

    Ayon kay Uy, may mga minor slides sa iba’t ibang national roads sa Cordillera, pero maaaring daanan ang mga ito bunga ng agarang pagsasaayos ng mga monitoring personnel ng Department of Public Works and Highway.

    Sa kasalukuyan ay nananatiling sarado para sa mga hikers/trekkers ang Mt.Pulag, Mt. Purgatory at Mt.Ulap dulot ng masamang panahon.

    Una nang inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na mararanasan sa Hilagang Luzon hanggang sa weekend ang patuloy na pag-ulan na dulot pa rin ng hanging habagat. ZALDY COMANDA / ABN

    ABOUT THE AUTHOR