22 katao patay sa hagupit ni Rosita sa Cordillera

Headlines

LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi pa man nakakabangon sa iniwang pinsala ni super typhoon Ompong ay muling hinagupit ng bagyong Rosita ang rehiyon ng Cordillera at nag-iwan ng inisyal na 22 katao ang namatay.

Ang nasabing bilang ay posible pang madagdagan kapag nakuha ang missing sa natabunang tatlong building ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Barangay Banawel, Natonin, Mountain Province.

Noong Biyernes (Nobyembre 2) ay umakyat na sa kabuuang 12 cadaver ang nakuha sa ground zero at tinatayang may 18 pa ang hahanapin.

Naitala na 7 katao ang namatay sa lalawigan ng Ifugao; 1 sa Lubuagan, Kalinga; at 2 sa Barlig, 12 sa Mt. Province.

Sa missing ay 1 sa Lacub, Abra; 2 sa Barlig at 18 sa Barangay Banawel, Natonin, Mt. Province.

May kabuuang 7,507 pamilya o 30,666 persons ang apektado mula sa 224 barangays ng anim na lalawigan ng Cordillera.

Samantala, nawalan na ng pag-asa si Natonin Mayor Mateo Chiyawan na may makukuha pang buhay mula sa natabunang building ng DPWH, sa halip ay hiniling na lamang nito ang retrieval operation sa mga biktima, kabilang ang kanyang apo.

Nagdatingan na sa lugar noong Huwebes at Biyernes (Nobyembre 1 at 2) ang mga nagrespondeng rescuers at volunteers, kabilang ang mga heavy equipment na mag-aalis sa mga tone-toneladang debris at baton a tumabon sa building, na naging shelter ng mga biktima habang kasagsagan ng bagyong Rosita noong Oktubre 30.

Labis na kalungkutan naman ang naging pahayag ni dating Mayor Marie Rafael, na ngayon ay assistant secretary ng legislative affairs ng Malacanang, sa kanyang pagtungo sa lugar na naglakad nang mahigit 10 kilometro mula sa bayan ng Paracelis.

“Maraming trahedya o bagyo ang dumaan sa aming lugar, pero ngayon lang may mga nasawi,” pahayag ni Rafael, na naging alkalde noong 2007-2010.

Ayon naman kay DPWH-Cordillera Director Tiburcio Canlas, sa lawak ng pinsala ay mahigit isang buwan ang aabutin bago mai-clear ang area ng landslide. Zaldy Comanda / ABN