|  | 

Headlines

Walang ‘foul play’ sa student death – BCPO

LUNGSOD NG BAGUIO – “Walang foul play, walang koneksyon sa robbery, lalo na sa illegal drugs, pero tuloy pa rin ang imbestigasyon, hangga’t wala pang matibay na resulta sa pagkamatay ng biktima,” ito ang pahayag ni Senior Supt. Ramil Saculles, city director ng Baguio City Police Office.

Matatandaan, noong Huwebes (Setyembre 7), makalipas ang halos anim na araw na pagkawala ni Vaughn Carl Dicang, 17, grade 12 student sa University of Baguio Science High School, ay natagpuan ag bangkay nito sa creek ng circumferential road sa tabing ilog ng Balacbac Bridge, Baguio City, dakong ika-10 ng umaga.

Bagama’t nasa pagkaagnas ang bangkay ng biktima ay positibo siyang kinilala ng kanyang pinsan na si Wilner Dicang. Ang biktima ay nakakabatang kapatid ni Barangay Chairman Van Dicang ng Barangay Lower Quirino Hill.

Noong Setyembre 1, na walang pasok dahil selebrasyon ng Baguio Charter Day, ay iniulat na umalis ito ng bahay, pero hanggang kinabukasan ay hindi na bumalik, kaya iniulat ng pamilya nito ang kanyang pagkawala at kumalat ito sa social media.

Ayon kay Saculles, walang motibong robbery, dahil intact ang mga gamit na dala nito na nakita sa lugar at higit sa lahat walang kinalaman ang droga sa pagkamatay ng biktima.

Aniya, napag-alaman na pinuntahan ng biktima ang isang kaibigan, di-kalayuan sa lugar at pag-uwi nito kinahapunan ay posibleng aksidenteng nahulog ito sa creek noong araw na iyon at walang agad nakakita sa mga nagdaang araw.

Sa inisyal na autopsy report, walang nakitang indikasyon na ito ay sinaksak o binaril, maliban sa pagbasag ng bungo nito na pinaniniwalaang tumama sa bato na siyang ikinamatay nito.

“We will focus on his head injuries at patuloy ang isasagawang imbestigasyon, lalo na ang SOCO sa mismong lugar upang malaman natin ang totoong nangyari. Nanawagan ako sa social media na antayin muna natin ang resulta ng imbestigasyon at huwag magpopost o magko-comment na espekulasyon lamang na posibleng makasira sa pagdadalamhati ng pamilya,” pahayag pa ni Saculles. ZALDY COMANDA / ABN

ABOUT THE AUTHOR