|  | 

Editorial

Towing ordinance at carless day ordinance, sana noon pa ipinatupad

img-responsive

Isa sa nakitang dahilan ng pagsikip ng trapiko sa lungsod ng Baguio ay ang maraming sasakyan na nakaparada sa kung saan-saan, sa magkabilang gilid ng mga daan, sa mga pangunahin man o mga kalye sa barangay na nagiging sagabal sa maluwag sanang daloy ng trapiko.

Nagkaroon na ng Anti-Road Obstruction (ARO) na batas at naatasan pa ang mga opisyal ng barangay upang ipatupad ang pagbaklas ng mga plaka at pagpapaalis sa mga sasakyang nakaparada sa magkabilang gilid ng daan, pati na ang mga sirang sasakyan na matagal nang nakaparada roon. Subalit sa kabila ng hakbang na ito ay tila walang nangyayari. Nagiging paulit-ulit na lamang ang pagbaklas ng plaka ng mga pulis at ang pagbayad ng mga lumalabag dahil kayang-kaya naman nilang bayaran ang multa.

Sa muling pagbuhay ng ‘Towing Ordinance’ sa lungsod at ang paglalagay ng mas matapang na tuntunin dito ay magandang paraan upang mapaluwag ang mga daan at gayundin ang mabigyan disiplina ang mga nagmamay-ari ng sasakyang walang sariling paradahan o garahe. Sana kung sakaling tuluyan na itong maging ganap na batas ay maipatupad ito na walang sinasanto at pinapaburan at ipatupad ito sa lahat maging mataas man na tao, maimpluwensiya o may katungkulan o karaniwang tao.

Maging ang panukalang Carless Day Ordinance ay mabuti rin sana kung maipatupad na rin ito at magkusang sundin ng mga establisimiyento, mga kumpanya, mga paaralan at mga indibiduwal na nagmamay-ari ng sasakyan upang kahit man lang sa isang araw ay maibsan o mabawasan ang mga sasakyan sa lansangan. Sa katunayan ay inumisahan na ng UP-Baguio ang Carless Day tuwing Miyerkules at hangad na dagdagan pa ang araw ng carless day bilang tulong at kooperasyon sa  hakbang.

Ang mga hakbang na ito ay maaari pang magkaroon ng mabuting epekto sa turismo at ekonomiya maging sa pagtugon sa Clean Air Act dahil mababawasan ang usok na sa mga nakaraang taon na ay laging isa ang lungsod ng Baguio ang may maruming hangin at mababa ang kalidad.

Tunay na mahirap sa umpisang matupad ito subalit kung may political will ika nga at magkaroon ng disiplina at pakialam ang mga tao ay di kalauna’y magiging epektibo ito at matatanggap ng tao para sa ikabubuti ng lungsod at mamamayan nito. Sana noon pa ay naipatupad na ito.                                                                               PMCJr.

ABOUT THE AUTHOR