|  | 

Headlines

Termite gang ng Baguio at Ilocos Sur, kalaboso sa QC

LIMANG miyembro ng tinaguriang Termite Gang, pawang tubong Baguio at Ilocos Sur, na diumano ay nanloob sa isang bangko ang nahuli sa Quezon City.

Huli sa akto ng mga kasapi ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek noong gabi ng Martes, Oktubre 3, habang pinaplano nila ang susunod na papasuking bangko sa Edsa corner New York Street, Cubao, Quezon City. Ito ay matapos makatanggap ng tip ang mga pulis tungkol sa bagong target ng mga suspek.

Kinilala ang mga naaresto na sina Jordan Agustin Duldulao, 29, ng Poblacion Quirino, Ilocos Sur; Melbert Aligan Bautista, 26, ng Lamag, Quirino Ilocos Sur; Ambrose Rex Sannad Layao, 28, ng Irisan, Baguio City; Allyson Ngina Aligan, 23, ng Patiacan, Ilocos Sur; at Geraldine Tingalan Bawas, 25, ng Irisan, Baguio City.

Ang mga suspek ay tinawag na Termite Gang ng mga pulis dahil sa modus ng mga ito na paghuhukay ng tunnel papunta sa gusali na balak nilang pagnakawan.

Sinabi ng mga naarestong suspek na nagsilbi lamang silang lookout sa naganap na panloloob sa sangay ng China Bank sa Commonwealth Avenue noong Sabado, Setyembre 30. Ang naturang bangko ay ninakawan ng hindi pa malamang halaga ng mga suspek sa pamamagitan ng manhole, kung saan sinimulan ng mga ito na mag-tunnel papunta sa bangko.

Ayon sa QCPD, nakatanggap sila ng tip, gabi ng Lunes, na muling manloloob ng bangko ang grupo at ang sunod na target ay sangay ng Banco de Oro sa Cubao. Ibinigay ng informant ang plakang AHN 858 ng isang gray Mitsubishi Montero na gamit ng mga suspek.

Dakong 6:30pm noong Martes, nagparada ang naturang sasakyan sa harap ng bangko.

Nakita si Aligan na bumaba at nag-iwan ng armas sa loob ng sasakyan. Sumunod ang isa pang suspek na sinusukat ang layo ng kanal sa sidewalk hanggang sa entrance ng bangko sa pamamagitan ng kanyang paa.

Nakuha mula sa mga suspek ang tatlong baril, isang hand grenade, at isang kutsilyo. Nakumpiska rin ang mga gamit sa paghuhukay na kinabibilangan ng hydraulic jack, hand drill, metal bars at screwdrivers.

Sa sumunod na araw ay nilusob ng mga pulis ang hideout ng mga suspek sa Barangay Muzon, San Jose del Monte City, sa probinsya ng Bulacan. Nakuha rito ang mas marami pang gamit sa paghuhukay gaya ng oxygen tank, hose, martilyo at lagari ng bakal.

ABOUT THE AUTHOR