Breaking News
 |  | 

Headlines

STL-teng sa Cagayan Valley, pinapahinto sa loob ng 7 araw

TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN – Nabigyan ng isang linggong ultimatum ang kapulisan ng Cagayan Valley upang mawakasan ang illegal na operasyon ng STL-teng o ang pinagsanib na illegal na jueteng at ang aprubado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na Small Town Lottery.

Sa utos ng Cagayan Valley Police Regional Office sa provincial, city at town police chiefs ay dapat mapahinto na ang lahat ng illegal gambling sa rehiyon sa loob ng pitong araw.

Ayon kay Chief Supt. Robert Quenery, ito ay bilang tugon sa direktiba ni Police Director General Ronald dela Rosa na nagdeklara ng all-out war laban sa illegal gambling sa rehiyon.

“We are only given 15 days by the national headquarters, so I am giving you [provincial and city police directors] a one-week ultimatum to work hard on illegal gambling operators all over the region to totally put an end to this kind of activities,” aniya.

Nagpahayag din ng pagdududa ang local government officials sa operasyon ng STL-teng na taliwas sa sinasabi ng kapulisan na napahinto na nila.

Mula noong Abril ay sinasalakay ang iba’t ibang pinagtatayahan na pinangangasiwaan ng Meridein Vista and Gaming Corp. (MVGC) sa rehiyon na diumano ay nagresulta sa pagsasara ng kompanya sa probinsya.

Ngunit ayon sa mga lokal na opisyal, ang mga naturang raid ay pawang palabas lamang dahil patuloy pa rin ang operasyon ng naturang ilegal na sugal sa mga pangunahing bayan at lungsod ng Cagayan Valley.

Dagdag pa nila, ang jueteng ay patuloy pa rin at hindi humihinto at katunayan ay nagkukubli lamang sa operasyon ng STL.

Ngunit ayon sa ilang mga ulat, ang STL-teng sa ilang bayan at lungsod sa rehiyon ay pinapatakbo ng mga personalidad na may kaugnayan sa mga local government officials at dating miyembro ng militar.

Sa isang naunang pulong sa police regional office, ipinaliwanag ng PCSO ang Regulation on the Licensing of Gambling and Online Gaming Facilities at idinetalye ang scope of operations ng Authorized Agent Corporation (AAC) kasama na ang listahan ng empleyado ng mga ito.

Ayon sa PCSO, ang mga AACs na may operasyon sa Region 2 ay kinabibilangan ng Charity Games of Chance Corp. ng Cagayan, Sahara Games and Amusement Phil Corp. sa Isabela, King 810 Gaming Corp. ng Nueva Vizcaya, at Fair Ways Management and Gaming Corp. sa Santiago City.

Samantala sa lungsod ng Baguio ay pinuri ng simbahang Katoliko ang direktiba ng PNP na patigilin ang lahat ng uri ng illegal gambling sa lungsod. Ngunit ayon sa simbahan, ang issue sa e-bingo at mga katulad nito ay hindi pa tinutugunan ng pamahalaang panlungsod.

Sa isang misa noong Linggo ay sinabi ng simbahan na nabigo ang lungsod na pahintuin ang operasyon ng e-bingo na patuloy ang pag-renew sa kanilang operasyon sa kabila ng pagtutol ng simbahan at ng mga residente. ABN

ABOUT THE AUTHOR