|  |  | 

Opinion You and Me

Santa Claus

Sino ba si Santa Claus? Saan siya nagmula, paano siya nalikha? Natatandaan ko na noong bata pa ako ay gumagawa ako ng sulat para kay Santa Claus at sinasabi ko roon kung ano ang gusto kong regalo. Inilalagay namin ito sa loob ng malaking medyas. Sa ‘fireplace’ karaniwang sinasabit ang Christmas socks pero dahil sa walang ‘fireplace’ ang tinitirahan namin, ang mga medyas naming magkakapatid na may lamang sulat ay sinasabit namin sa Christmas Tree. Sa pagsapit ng bisperas ng Pasko ay makikita namin na may mga regalong nakabalot sa ilalim ng aming Christmas tree. At pagkatapos ng Noche Buena ay sabay-sabay naming bubuksan ang mga ito sa paniniwalang galing ang mga aginaldo kay Santa Claus. Pero sa pagdaan ng panahon ay nalaman din naming magkakapatid na ang Santa Claus namin ay ang aming Nanay at Tatay.

Ang tradisyon ni Santa Claus ay orihinal na nagmula sa Finland at lumaganap na sa buong mundo. Tinatawag din siyang Saint Nicholas o San Nicolas, Saint Nick, Santy, Kris Kringle, Kristingle, Christingle, Father Christmas at maraming iba pang mga pangalan. Sinasabi ring nakatira siya sa Lapland, Finland. May kaugnayan siya sa pagbibigay ng regalo sa mga batang maliliit sa pamamagitan ng pagpapadulas sa mga ‘chimney’ at mayroon ding mga ‘reindeer’ na humihila sa kanyang sasakyan o paragos.

Pinaniniwalaan din na ang Santa Claus ay nalikha sa Olandes na Sinterklaas na ipinagdiriwang tuwing bisperas ni San Nicolas tuwing Disyembre 5 sa Netherlands. Mataba, malaki ang tiyan at may balbas at bigote na puti na inilalarawan si Santa Claus. At siya ay nakatira sa North Pole kasama ang asawa niyang si Mrs. Claus kasama ng mga dwende na gumagawa ng mga laruan na ipinamimigay sa mga bata, ayon sa tradisyonal na bersyon ng mga Amerikano.

May mga naniniwala man o wala kay Santa Claus, ito ay hindi na mahalaga basta’t nasa puso natin ang tunay na diwa ng Pasko at ito ay ang pagmamahalan at ang pagbibigay ng regalo lalo na sa mga batang kapuspalad at na siyang misyon ni Santa Claus.

Maligayang Pasko sa lahat!

ABOUT THE AUTHOR

<