|  | 

Headlines

Roxas family, humiling na mabigyan sa Marcos ill-gotten wealth

LUNGSOD NG BAGUIO – Hiling ng mga kaanak sa pangunguna ni Henry Roxas, anak ng treasure hunter na si Rogelio Roxas, na mabigyan sila sa yamang ibabalik ng Marcos sa pamahalaan.

Ayon kay Henry Roxas, hindi na sila interesado na maibalik pa sa kanila ang Golden Buddha, kundi mabigyan sila ng karampatang halaga sa mga gold bar na kasamang kinuha ng dating Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang amang si Rogelio Roxas.

Ang kontrobersyal na golden Buddha, ay nahukay ni Rogelio Roxas at ng mga kasamahan nito sa isang lugar sa kinatatayuan ngayon ng Baguio General Hospital noong taong 1971, na sinasabing isa sa Yamashita treasure. 

May bigat itong 1,000 kilogram at taas na 3 talampakan. Bukod dito ay nakakuha rin sila ng mga gold bar.

Nang malaman ni dating Presidente Marcos tungkol dito ay ni-raid ang bahay ni Roxas at kinuha ang golden Buddha at gold bar, kasabay ang pagdakip kay Roxas.

Nagpila ng reklamo ang pamilya Roxas at makalipas ang anim na buwan ay ibinalik sa kanila ang sinasabing golden Buddha, na ngayon ay nasa Regional Trial Court sa Baguio City.

Hindi ito kinukuha ng pamilya Roxas, dahil naniniwala sila na hindi na ito ang totoong golden Buddha.

Noong mapatalsik si Marcos noong 1986 ay nagsampa muli ng kaso ang pamilya Roxas, sa tulong mga mga kamag-anak nito sa Hawaii, na kung saan ay namalagi ang dating Pangulo.

Ayon kay Councilor Edgar Avila, ang original case ay naisampa sa Honolulu, Hawaii. “The Honolulu court awarded damages of 9 million dollars in favor of heirs of Roxas, pero hindi naman ito naibigay ni Marcos”.

Muling nagpila ng appeal ang pamilya Roxas sa state of California at hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin ang kaso.

Umaapela kami na kung totoong maibabalik ang Marcos wealth ay mabigyan din kami sa aming paghihirap at sa mga kasamahan ng ama ko na nakakuha ng golden Buddha,” pahayag pa ni Henry. ZALDY COMANDA / ABN

ABOUT THE AUTHOR