|  | 

Metro Baguio

Proyektong deep well sa Camp 7, dinipensahan ng BWD

Daang residente ang magbebenepisyo sa deep well drilling project ng Baguio Water District (BWD) sa Barangay Camp 7 oras na matapos ang proyekto.

Ito ang sinabi ng mga opisyal ng BWD na humarap sa regular session ng city council.

Ayon sa BWD, kumuha sila ng mga kailangang permits para maipatupad ang nasabing proyekto na nakatuon sa pagpapataas ng suplay ng tubig. Makikinabang sa proyekto ang mga residente sa mga barangay ng Camp 7, Loakan Proper at Bakakeng Norte/Sur.

Maliban sa resolusyon na nag-eendorso sa proyekto sa Camp 7, nakakuha rin ang BWD ng water permit mula sa National Water Resources Board (NWRB) bukod sa iba pang kinakailangang permits mula sa kinauukulang government agencies.

Ang Camp 7 deep well project ay matatagpuan sa ibaba ng Camp 7 Elementary School, sa loob ng lugar papuntang pangunahing river system.

Nauna rito, ipinahayag ng mga concerned residents mula Barangay Camp 7 ang kanilang oposisyon sa deep well project ng water district dahil sa inaasahang pag-ubos ng tubig sa bukal kung saan sila kumukuha ng suplay ng tubig araw-araw.

Ayon sa mga petitioner, napatunayan na sa nakalipas na panahon na sa pagbuo ng mga katulad na deep well projects sa lugar, ang tubig ng kanilang mga bukal ay pinaghihinalaang naubos na nagresulta sa hindi sapat na suplay ng tubig sa kanilang mga tirahan, sa gayon, ang pagtatayo ng pinakabagong proyekto ng BWD sa lugar ay magreresulta sa katulad na mga problema sa lugar.

Pinaalalahanan ng mga miyembro ng konseho ang BWD at mga petitioner na pag-usapan nila ang posibleng solusyon mula sa hindi pagkakasundo sa proyekto at isaalang-alang ang benepisyo ng deep well project sa nakararaming residente sa palibot ng barangay.

Isinumite din ng mga petitioner ang kanilang petisyon laban sa proyektong ito sa tanggapan ng Cordillera ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na gawing requirement sa proyekto ang pagkakaroon ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) ngunit walang aksyong ginawa ang naturang tanggapan upang liwanagin kung kailangan o hindi na kumuha ng FPIC ang BWD mula sa mga apektadong indigenous people (IPs) bago magpatuloy sa pagpapatupad ng deep well project sa Barangay Camp 7.

Paliwanag ng mga opisyal ng BWD na ang tubig ay mula sa pag-aari ng lungsod at sa ilalim ng umiiral na batas at regulasyon, ang distrito ay binigyan ng kapangyarihan ng lungsod upang pamahalaan, gamitin at pangasiwaan ang implementasyon ng proyektong nakatuon sa preserbasyon, proteksiyon at tamang pangangasiwa ng nasabing resource.

Sinabi ng mga opisyal ng BWD na ang pagtatayo ng deep well project ay nakatuon sa pagpapanatili ng paggamit at tamang paggamit sa mapagkukunan ng tubig sa lugar. Tutulong ito upang mapabuti ang suplay ng tubig ng mga residenteng mabebenipisyuhan ng deep well sa hinaharap.

Mariing itinanggi ng BWD ang sinasabi ng mga apektadong residente na ang tubig mula sa kanilang bukal ay maaapektuhan. Ayon sa BWD, totoong may epekto ang proyekto sa suplay ng tubig ngunit hindi ito magreresulta sa lubusang pagkaubos ng suplay ng kanilang tubig. PIO / ABN

ABOUT THE AUTHOR