|  | 

Editorial

Pagpatay sa usapang pangkapayapaan, mabubuhay muli ang insurhensiya?

img-responsive

Bago maupo si Pangulong Rodrigo Duterte ay inakala ng marami na malapit siya sa mga makakaliwa partikular sa CPP-NPA dahil sa kaugnayan niya sa kinikilalang founder nito na si Jose Marie “Joma” Sison na naging kaibigan at guro niya noon sa Unibersidad ng Pilipinas. At nang maluklok na siya sa Malakanyang ay lalong nagulat at nangamba ang marami nang magtalaga siya ng mga makakaliwang personalidad sa mga pangunahing kawanihan at ahensiya ng gobyerno. Inakala rin ni Pangulong Duterte na sa pagtatalaga niya sa mga makakaliwang opisyal ay maaaring maging susi sa pagtatapos ng mga aktibong aktibidad ng CPP-NDF-NPA laban sa gobyerno at kahit paano ay humupa na ang mga armadong engkuwentro. Kalaunan ay tinanggal din ng pangulo ang mga ito.

Unang bahagi pa lang ng kaniyang panunungkulan ay binuksan niyang muli ang hapag para sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NDF-NPA at pinalaya ang ilang matataas na pinuno nito upang maging consultant sa isasagawang “peace talk”, isang hakbang ng pangulo upang ipakita ang sinseridad at bukas na pananaw sa paghangad ng kapayapaan (sa kabila ng pagtutol at agam-agam ng mga kritiko niya). Subalit matapos ang ilang beses na pag-uusap dito at sa ibang bansa ay biglang umasim at umanghang ang sitwasyon ng dalawang panig dahil sa mga akusasyon ng bawat isa na hindi tapat sa mga napagkasunduan ukol sa usapang pangkapayapaan.

Ayon kay Duterte ay hindi tapat sa usapan ang mga rebelde dahil kahit pa sa gitna ng usapan ay sunod-sunod ang ginawang pag-atake ng mga NPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa mga himpilan ng pulisya at pananambang maging sa paghahasik ng karahasan sa mga instalasyon ng mga pribado at pampublikong kompanya.

Dahil dito ay muling napikon si Pangulong Duterte at idineklarang mga terorista ang mga rebeldeng NPA at tuluyan nang pinutol at ibinasura ang usapang pangkapayapaan at iniutos na arestuhin na ang mga pinalayang mga opisyal ng makakaliwang organisasyon. Ikinagalit ng CPP-NDF ang pahayag na ito ng Pangulo kaya ang dating maliit na hibla ng pag-asa ng kapayapaan ay unti-unti na namang napapawi. Sa muling pagkaudlot ng usapan na maaaring magbigay ng daan tungo sa kapayapaan ay nangangambang muling umigting ang armadong labanan na siguradong dadagdag sa marami ng problema na sinusuong ng bayan at tiyak marami na namang inosenteng Pilipino ang maapektuhan sa gitna ng laban.

Gaya ng isang magulang ay kailangang minsan ay gamitan ng mariing pagsaway ang mga anak na pasaway upang madisiplina ang mga ito gayundin ay bigyan din ng panahon at dinggin ang hinaing at karapatan ng mga anak.

Sana ay mapag-isipan ito nang mas malalim at tingnan sa positibong pananaw at huwag huminto sa paglikha ng mga solusyon na maaaring magamit sa pagkamit ng tunay na kapayapaan. Dahil ang bansang walang kapayapaan ay mahihirapang makamit ang minimithing kaunlaran bagkus ay lalong malulugmok sa kahirapan at manatiling walang kaayusan. PMCJr.

ABOUT THE AUTHOR