|  | 

Metro Baguio

Paghahanda kontra sakuna, kailangang ituro sa mga bata – OCD

Sa loob ng isang taon ay humigit kumulang sa 20 bagyo ang nararanasan ng Pilipinas. Ganun din halos ang dami ng lindol na nangyayari kada araw.

Kaya noong May 27, 2010 ay isinabatas and Republic Act (RA) 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act. Layunin nito na turuan ang mga mamamayan sa lahat ng komunidad sa bansa na magkaroon ng sapat na kaalaman at kapasidad na paghandaan ang anumang uri ng sakuna na posibleng mangyari sa kanilang pamayanan.

Ayon sa tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na si Romina Marasigan, sa dami ng mga sakunang tumatama sa bansa ay kailangang maturuan ang bawat Pilipino na maghanda. Kabilang na dito ang mga studyante lalo na ang mga bata.

“Importante na maturuan natin sila dahil walang pinipiling edad ang sakuna. At hindi sa lahat ng oras ay magkakaroon tayo ng pagkakataon na sabihin o ituro sa kanila ang dapat nilang gawin lalo na sa panahon ng kalamidad. Kung meron man ay baka huli na,” ani Marasigan.

Ayon kay Marasigan, dapat kasama ang mga bata kapag pinag-uusapan ang paghahanda sa kalamidad. Aniya, madalas maging problema sa mga evacuation center ang paghahanap sa magulang ng bata dahil wala silang usapan kung saan sila magkikita kung sakaling may sakuna.

“Hindi sapat na turuan lang ang mga bata kung paano maging ligtas sa oras ng kalamidad. Importante rin na pag-usapan at ituro sa kanila kung saan sila dapat magpunta na madali natin silang mahanap o makita,” sabi ni Marasigan.

Kabilang sa pwedeng ituro sa mga bata para madali silang mahanap ay sumama sa mga kamag-anak at kapitbahay na may contact ang kanilang magulang. Maaari ding sabihin sa mga bata na agad sumama o dumiretso sa evacuation center kapag may paglilikas na ipinag-utos.

“Sa ganitong pamamaraan ay mapapanatag ka dahil alam mong ligtas sila at nasa mabuting pangangalaga. Mabilis din ang paghahanap sa kanila,” ani Marasigan.

Ayon sa information officer, isa sa mga maling akala ng mga magulang ay umasa at maging kampante na laging may komunikasyon.

Sa World Risk Index, ang Pilipinas ay pangatlo sa buong mundo sa mga bansang may pinakamaraming komunidad na delikado dahil sa mga kalamidad na nararanasan. Ayon sa WRI, nasa 26% hanggang 70% ang komunidad sa bansa na nakakaranas ng kalamidad tulad ng malalakas na bagyo at iba pang uri ng kalamidad. Ang WRI ay ginagamit para sukatin ang risk ng isang bansa sa mga kalamidad upang makabuo ng mga programa na makakatulong sa paghahanda para maiwasan ang malakihang pagkawala ng buhay at pagkasira ng mga ari-arian. DIONISIO DENNIS JR. / ABN

ABOUT THE AUTHOR