|  | 

Editorial

May katotohanan ba sa Revolutionary Government?

img-responsive

Pumutok na ang matagal-tagal ng usap-usapan na magkakaroon ng isang rebolusyunaryong gobyernong magsagawa ang mga nagsusulong nitong isang pagkilos noong Nobyembre 30 at itinaon sa paggunita ng ika-154 taong kaarawan ng kinikilalang Ama ng Himagsikan ng Pilipinas na si Andres Bonifacio. Sinabayan din ito ng protesta ng mga militante at mga grupong tutol at laban sa diumano’y balak na pagdekalra ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang revolutionary government na unang ipinahiwatig ng pangulo.

Itinanggi at pinabulaanan ang balak na isang revolutionary government ng Malakanyang at ni Pangulong Duterte subalit sa mga unang pahayag ng pangulo ay hindi malayong magdeklara siya kung kinakailangan – kapag mahina na raw at naghihingalo na ang gobyerno. Tiniyak ng tagapagsalita ng Pangulo na si Secretary Harry Roque na walang katotohanan ito at nananatiling malakas pa naman ang gobyerno at nangingibabaw pa rin kaya walang dahilan upang magdeklara ng isang rebolusyunaryong gobyerno.

Sa dami ng kabi-kabilang batikos at pagpuna sa pamumuno ni Pangulong Duterte at ang mga akusasyon ng pagiging diktador at marahas sa pagpapatupad ng mga polisiya at batas lalo na sa paglaban niya sa ilegal na droga na humahantong sa inaakala o pinaghihinalaang mga “extra judicial killings” (EJK) na itinuturing na paglabag sa karapatang pantao ay baka nga makulitan ang Pangulo at patulan nga ang mga unang pahayag niya – ang ikonsidera ang rebolusyunaryong gobyerno.

May dahilan kung bakit ikokonsidera ito ng Pangulo, gaya ng mahihirapan na siyang isulong ang pederalismong gobyerno na maproseso at matagal gawin, ayon sa kaniya ay marami raw butas ang 1986 Constitution na dapat palitan, maraming sagabal sa mga programang nais niyang isulong at ipatupad at ang patuloy na problema sa terorismo at insurhensiya. Ang pagtatag ng isang revolutionary government daw ang pinakamadali upang matugunan ang lahat ng ito.

Maganda man ang hangarin ng Pangulo sa bansa ay hindi dapat siyang yumuko sa mga nag-uudyok na ideklara niya ang rebolusyunarong gobyerno sapagkat may konstitusyon pa naman na Saligang Batas bagama’t sa wari niya ay may mga butas na maaari naman itong isaayos at bakit ba siya nagmamadali gayung mayroon pa siyang limang taon na patunayan sa mahigit labing anim na milyong Pilipinong bumoto sa kaniya at sa mahigit isandaang milyong Pilipino na umaasa sa pangako niyang pagbabago?

Mas mabuti sigurong ipagpatuloy na lamang niya ang mga hakbang sa mga pagbabago at reporma at tutukan ang mga pangunahing problema ng bansa at tapusin ang anim na taong termino na ipinahiram ng taong-bayan sa kaniya at patunayang mali ang mga akusasyon at hinalang mga kontra sa kaniya. At kung hindi na masawata ang mga pangyayari ay baka muling mapatunayan ang matandang kasabihan na “inuulit ng kasaysayan ang kaniyang sarili” na kung saan ay baka ang milyong-milyon bumoto sa kaniya ay  tatalikod sa kaniya at samantalahin ng mga kalaban niya upang pababain siya sa puwesto. PMCJr. 

ABOUT THE AUTHOR