|  | 

Headlines

Masaker ng 3 magsasaka sa Abra, kinondena

LA TRINIDAD, BENGUET – Blangko pa rin ang mga pulis ng Abra tungkol sa motibo sa pagkakapaslang ng tatlong magsasaka na nagtatrabaho sa bukid ng isang doktor ng gobyerno sa bayan ng Pidigan noong Oktubre 3.

Ang magkapatid na sina Jomar Cabutaje, 26, at Jayveemar Cabutaje, 21, at si Mike Carlos Turquez, 33, na pawang nagtamo ng mga tama ng bala ay iniulat na natutulog nang biglang pumasok ang dalawang lalaki sa farm house sa barangay Naguirayan, Pidigan at pinagbabaril ang tatlong biktima.

Ang doktor na si Antonio Valera, nagtatrabaho sa Abra provincial health office, ang may-ari sa bukid kung saan naganap ang masaker.

Si Jayveemar ay nagawang makatakbo sa labas ng bahay at sumigaw ng saklolo mula sa mga kapitbahay hanggang sa binaril din ito sa ulo, pahayag ng pulis.

Sa inisyal na teorya ni Abra police dir. Sr. Supt. Rey de Peralta ay isang hindi pa natatapos na personal na sama ng loob ang dahilan ng pamamaril.

Si Turquez ay kamag-anak ng asawa ni Jomar.

Ang masaker ay naganap habang naghahanda ang Cordillera police para sa nakatakdang pagbisita ni PNP Chief Dir. Gen. Reynaldo Dela Rosa sa rehiyon para sa Police Service anniversary sa Camp Dangwa, ang regional headquarters ng pulis sa La Trinidad, Benguet.

Si Dela Rosa ay nakatanggap ng pamimintas kahit mula sa kaalyado ni Pres. Rodrigo Duterte na si Senate Pres. Koko Pimentel dahil sa kanyang komentong “ingrate” kontra sa mga kritiko at miyembro ng media na aniya ay pinalalaki ang negatibong imahe ng kapulisan sa kabila ng mas mabuting sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Samantala, kinondena ni Abra Rep. Joseph Bernos ang naganap na masaker at nanawagan sa otoridad na gamitin ang lahat ng maaaring gamitin upang mabigyan ng hustisiya ang mga biktima at pamilya ng mga ito. “There should not be any place of such violence in the province and elsewhere,” giit nito.

Si Bernos ang vice-chairperson ng House Committee on Public Order and Safety. ACE ALEGRE / ABN

ABOUT THE AUTHOR