|  | 

Metro Baguio

Libreng Wi-Fi sa apat na lugar sa Baguio bago matapos ang taon

Inihayag ng PLDT Inc. at subsidiary nitong Smart Communications Inc. noong Martes, Oct. 3, na magkakaroon na ng libreng Wi-Fi  sa apat na pangunahing lugar sa Baguio bago matapos ang taon.

Sinabi ni Louie Metra ng PLDT  na sa paglulunsad ng selebrasyon ng 2017 Consumer Welfare Month dito ay tinatapos na nila ang paglalagay ng fiber-optic cables na magbibigay ng libreng pampublikong Wi-Fi system.

Ito ay unang bubuksan sa Baguio City Hall, Burnham Park, Mines View Park at Session Road sa Nobyembre o Disyembre ayon kay Metra at sinabing ito ay bahagi ng pampublikong Wi-Fi program ng national government.

Sinabi naman ni Jose Rosete, External Affairs head ng Smart Telecom, na suportado ng kanilang kompanya ang public Wi-Fi program lalo na sa 5th hanggang 6th class municipalities o mga nasa kanayunan.

Subalit ipinaliwanag niya na may mga hamon kabilang ang aktuwal na paglalatag ng fiber-optic cable lines upang makamit ang antas ng kalidad na dapat abutin.

Siniguro niya na sa rehiyong Cordillera ay may malaking bilang ng fiber-optic cables ang nailatag na, na hindi katulad sa ibang lugar sa hilaga sa bansa.

Kinumpirma ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary for Cybersecurity and Enabling Technologies Allan Cabanlong ang mga problema na hinaharap sa Cordillera dahil sa kakaibang anyo ng lupa na nagiging mahirap at magastos sa pagtatayo ng repeater systems na magbibigay ng signal at ikokonekta ang pampublikong Wi-Fi program ng gobyerno.

Siniguro niya na ang libreng Wi-Fi ng DICT lalo na kanayunan ay malapit nang magkatotoo. LIZA AGOOT, PNA / ABN

ABOUT THE AUTHOR