|  | 

Metro Baguio

Kontrata ng building owners sa palengke, nagpaso na

Ibinunyag ni Mayor Mauricio G. Domogan na ang mga kontrata mula sa halos 127 may-ari ng gusali sa loob ng palengke ay nagtapos na noon pang December 31, 2015 kung kaya wala na silang karapatang ipagpatuloy pa ang pag-okupa sa mga itinayong gusali maliban kung i-renew ang kanilang kontrata kasama ang 15-taong expiration period.

Tinuran pa ng mayor na ang lokal na gobyerno ay walang karapatang pilitin ang mga may-ari ng gusali upang pumirma ng panibagong kontrata kabilang ang 15-taong expiration period, ang mga may-ari ng gusali naman ay wala ring karapatang atasan ang lungsod na magrenew ng kontrata ayon sa kanilang kondisyon, kaya naman walang mutual agreement ang parehong partido.

Sa 127 may-ari ng gusali, may 83 na ang pumirma ng renewal ng kanilang kontrata sa lokal na pamahalaan kabilang ang 15-taong expiration period; samantalang 46 naman ang nagpipilit na tanggalin ang expiration period sa kanilang kontrata.

Sa ngayon, 37 renewed contracts ang nakumpirma na ng local legislative body habang mahigit 30 na kontrata naman ang napirmahan ng mayor na isusumite sa city council para sa kumpirmasyon bago matapos ang 90-day ultimatum na inilabas ng lungsod sa pagrenew ng kontrata.

Ipinaliwanag din ni Domogan na magtatapos ang 90-day grace period sa August 27, 2017, kaya ang mga may-ari ng gusali na hindi nagrenew ng kanilang kontrata ay maaaring tanggalin ang mga pinabago sa inuupahang lugar upang mabigyan ng pagkakataon ang lokal na gobyerno na ipa-bidding iyon sa mga interesadong bidders na gustong tanggapin ang iniatas na expiration period.

Idiniin din ng mayor na ang pagtaas ng upa mula P2 per square meter per day sa P6 per square meter per day ay gawa ng patuloy na negosasyon sa pagitan ng apektadong mga may-ari ng gusali na pumayag sa binagong upa sa mga pag-aari ng lungsod na kasalukuyang inuukupa.

Ipinaliwanag pa niya na ang napagkasunduang upa ay para sa benepisyo pa rin ng building owners dahil ito ay na-compute base sa land area na sakop ng mga gusali at hindi na-compute per floor basis, kaya naman, magiging unfair sa lokal na pamahalaan ang pahayag ng mga may-ari ng gusali na ang pagrenew ng kanilang kontrata ay para sa higit na kalamangan ng lokal na pamahalaan.

Ipinahayag ni Domogan na ang mga may-ari ng gusali ay dapat magpasalamat na ang lokal na pamahalaan ay nagpasyang ipagpatuloy na makipag-ayos sa kanila sa halip na sumang-ayon sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) na i-bid ang paupahang lugar dahil ang mga nakaraang kontrata ay napaulat na lubhang masama sa lungsod ayon sa COA findings.

Ang susunod na batch ng magre-renew na kontrata ay ipapadala sa local legislative body para sa kumpirmasyon. Baguio PIO / ABN

ABOUT THE AUTHOR