|  | 

Metro Baguio

Kasunduan sa Asin mini-hydro, dapat sundin ng Kaltimex

Nais ng pamahalaang lungsod na sumunod muna ang Kaltimex Energy Philippines sa contractual obligations nito alinsunod sa 25-year memorandum of agreement para sa maintenance at operasyon ng Asin mini-hydro power plants na pag-aari ng lungsod.

Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na ang pinakamagandang dapat gawin ng Kaltimex ay ang repasuhin ang ‘confirmed agreement’  at intindihin ang mga obligasyon nito sa maintenance at operation ng power plants at huwag magbigay ng mga dahilan na makaka-antala sa kanilang pagsunod sa nasabing kontrata.

Sa ilalim ng confirmed agreement ay obligado ang Kaltimex na mag-post ng performance bond sa halagang P150 milyon na katumbas ng 30 porsiyento ng total rehabilitation cost ng power plants. Obligado rin ang Kaltimex na bayaran ang lokal na gobyerno sa unang renta nito na nagkakahalaga ng P18 milyon sa loob ng anim na buwan mula sa kumpirmasyon ng kasunduan.

Nanawagan si Domogan sa Kaltimex management na ayusin ang kanilang performance bond na ipinadaan sa isang bonding corporation na hindi matagpuan ang address sa Manila upang maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng mga opisyal ng lungsod sa sinseridad ng kompanya sa pagpapatupad ng maintenance at operation ng power plants.

Karagdagan dito ay hinihiling din ni Domogan sa management ng Kaltimex na mag-isyu ng kinakailangang special power of attorney kay Rodrigo Cabrera na diumano’y consultant nila upang magkaroon siya ng personalidad bilang kinatawan ng kompanya sa pakikipag-usap sa mga opisyal ng lungsod ukol sa mga mahahalagang issues at concerns kung paano ipapatupad ng kompanya ang mga probisyon ng kasunduan at maging operational na ang power plants.

Inamin din ni Domogan na nag-uumpisa na siyang magduda sa sinseridad ng mga opisyal ng Kaltimex sa pakikipag-usap sa lungsod, lalo na sa pagsunod sa mga probisyon ng confirmed agreements upang maging operational na ang power plants sa loob ng susunod na tatlong taon alinsunod sa kasunduan. Pagmamay-ari ng Baguio ang distinksiyon sa pag-aari ng renewable energy plants na ipinasakamay ng mga Amerikano sa lokal na gobyerno matapos silang umalis.

Ikinatuwa ni Domogan ang naunang pangako ng Kaltimex na susunod sa obligasyon nito sa ilalim ng kasunduan ngunit nakatanggap na naman siya ng hiwalay na komunikasyon mula sa kompanya na nagsasabing mag-iimpose sila ng ilang kondisyon at humihiling sa pagpapaliban ng bayad sa unang taong renta dahil diumano sa hindi nai-turn over nang maayos at mapayapa ng Baguio ang power plant sa kompanya.

Ipinaliwanag ng mayor na nalilito siya sa magkasalungat na nilalaman ng hiwalay na sulat na ipinadala ng Kaltimex sa lungsod sa nakalipas na ilang linggo. Nais din ni Domogan na siguruhin kung ano ang katayuan ng kompanya, kung interesado pa sila na ituloy ang kasunduan.

Noong 2012, ang operasyon ng Asin mini-hydro power plants ay pinatigil ng Energy Regulatory Commission matapos hindi makakuha ang lokal ng gobyerno ng kaukulang certificate of compliance mula sa regulatory body para sa patuloy na operasyon nito.

Napilitan ang lungsod na ipa-bid out ang maintenance at operation ng power plants hanggang sa ibigay ng Special Bids and Awards Committee sa Kaltimex ang kontrata na tatagal ng 25 taon. ABN

ABOUT THE AUTHOR