|  | 

Metro Baguio

Jail officer, huli sa pagbenta ng shabu

LA TRINIDAD, BENGUET – Kalaboso ang isang jail officer na nagbenta ng shabu sa isang pulis noong Setyembre 3.

Si Jail Officer 3 Donald Tauli Kelly, 49, ng Ucab Tram, Itogon, Benguet, nakadestino sa Itogon District Jail, ay nagbenta ng 7.51 gramo ng shabu na may halagang P40,060 sa isang undercover na pulis malapit sa Baguio City cathedral sa Fr. Carlo Loop, Upper Session Road.

Nakuha mula kay Kelly ang Caliber 9mm Taurus service pistol na may serial number TE091803, isang cell phone, dalawang 9mm Taurus magazines na may 24 bala, isang blue gray sling bag, pistol holster at P1,000 cash maliban pa sa P9,000 boodle money.

Ayon sa pulis, si Kelly ay minanmanan nang ilang araw hanggang sa nakorner ito noong gabi ng Biyernes.

Ayon kay Cordillera police director Chief Supt. Elmo Sarona, hindi pinapayagan ng PNP ang mga taong may kinalaman sa bawal na gamot, lalo na ang miyembro ng kapulisan at iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Jail Management and Penology na kinabibilangan ni Kelly. “Regardless of rank, those who violate the law are not worthy to wear his/her uniform thus should be removed from the service. This is so because one of the important components of the anti-drug strategy of the government is internal cleansing,” giit niya.

Ipinangako ni Sarona na ipagpapatuloy ng kapulisan at paiigtingin pa ang internal cleansing para patalsikin ang mga pasaway na tauhan ng gobyerno, lalo na ang mga may kaugnayan sa ilegal na droga.

Hinikayat nito ang publiko na iulat ang sinumang tauhan ng gobyerno na may masasamang gawain sa kanilang mga komunidad. ACE ALEGRE / ABN

ABOUT THE AUTHOR