|  | 

Editorial

Higit sa lahat ay tunay na pagkalinga, pagmamahal at respeto

img-responsive

Ang kabutihan ng respeto at pangangalaga para sa mga matatanda mula noon ay palaging tanda ng isang mabuting pagkatao o karakter ng isang tao o pamilya. Totoo ito sa karamihan ng mga Pilipino hanggang sa ngayon.

Subalit masakit ding tanggapin na maraming kadahilanan kung bakit ang mabuting pagkatao ng mga Pilipino ay unti-unti ng nasisira kaya nagiging masama na tayo sa paningin ng ibang tao sa ibang mga bansa, komunidad na punong-puno ng korapsiyon, mga immoral na opisyal ng gobyerno, mga politikong abuso sa kapangyarihan at posisyon at gayundin ang mga matataas na tao sa pribadong sektor na nakikiapid sa mga politiko at opisyal ng gobyerno, maisulong lamang ang mga pansariling interes kahit pa masagasaan na ang mga walang malay at inosenteng nakakaraming (mas mahirap) na Pilipino. Nakikita na rin ang pagbabagong ito sa mga pamilya at mga miyembro nito lalo na sa mga kabataan dahil nawawala na ang respeto, pagmamahal at pangangalaga sa mga matatanda.

Kaya upang muling mabuhay ang kamalayan ng publiko sa iba’t ibang isyu na bumabalot sa lumalaking populasyon ng matatanda ay inilabas ang Proclamation No. 470 noong Setyembre 26, 1994 na lumikha sa taunang pag-alaala ng “Elderly Filipino Week” na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 1 hanggang 7. Kahit sa loob man lang ng isang linggong ito ay maramdaman ng mga “senior citizens” ang kanilang kahalagahan dahil ino-obliga ang mga paaralan at ilang opisina ng gobyerno ng batas na alalahanin at respetuhin ang matatanda.

May mga programa at batas na binalangkas at nilikha upang maprotektahan ang karapatan ng nasa 6.8 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas na matatanda at mapangalagahan sila at maiparamdam na sa kabila ng kanilang edad at bagaman retirado at wala ng kakayahang magtrabaho ay kabilang pa rin sila sa lipunan – sa isang aktibong lipunan. Dahil responsibilidad ng gobyerno na protektahan nito ang matatanda.

Ang Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 ay nagbibigay ng mas maraming benepisyo at pribilehiyo sa mas nakatatanda. Dito ay may 20 prosiyento silang diskuwento sa ilang produkto at serbisyo, 5 porsiyento diskuwento sa pangunahing bilihin at pangangailangan, at limang porsiyentong diskuwento sa konsumo ng kuryente at tubig. Gayundin ang mga eligible na senior citizens ay may social pension na P500 bawat buwan. Andiyan pa ang conditional cash transfer na sana’y naipapatupad ng maayos.

Nariyan din ang Centenarians Act of 2016 kung saan makakakuha ng P100,000 insentibo ang mga umabot sa 100 taon at sa ngayon ay itinutulak ni Buhay Representative Lito Atienza na ibaba ang edad ng mga benepisaryo upang mapakinabangan pa nila ito dahil hindi naman lahat ay umaabot sa edad na isandaan.

Lahat ng ito ay maaaring magbigay kasiyahan sa matatanda subalit wala pa ring papantay sa tunay na kalinga, pagmamamahal at respeto ng mga kapamilya at ibang tao sa kanila… lalo na sa mga panahong ito na binago at patuloy na binabago ng kaunlaran at makabagong henerasyon.                                                                PMCJr.

ABOUT THE AUTHOR