|  | 

Headlines

Giant vegetable salad inihain sa Benguet

img-responsive

1.3 toneladang gulay, ibinahagi sa 2,000 katao

LA TRINIDAD, BENGUET  – May kabuuang 1.3  tonelada ng magkakaibang gulay ang inihanda at inihain noong Hulyo 13 bilang tampok ng pagdiriwang sa ika-33 taong anibersaryo ng vegetable trading post sa bayang ito, na bagsakan ng mga produkto sa agrikultura mula sa iba’t ibang bahagi ng Cordillera bago dalhin sa mga merkado sa buong bansa.

Sa pagsasagawa ng vegetable salad ay nagamit ang 160 kilong romaine lettuce, 160 kilong carrots, 160 kilong pipino, 150 kilong sugar beets, 180 kilong kamatis, 150 kilong marble potato, 30 kilos ng alfalfa broccoli at cauliflower na hiniwa-hiwa upang handang kainin at magkakasamang inilagay sa 20×32 feet na lawak at 35 inches ang lalim na lalagyan.

Ani Jonathan Micua, SKD Academy La Trinidad campus director, magkahalong 60 professional at student chefs mula sa kanilang paaralan ang naghanda sa mga sangkap ng salad kasama ang tatlong uri ng dressing.

Ang mga nakidalo at nakisalo sa pagdiriwang ay maaaring pumili sa mango salad dressing, strawberry salad dressing, at balsamic vinaigrette.Para sa dalawang fruit salad dressing ay ginamit ang walong litro ng orange juice, apat na litro ng rice vinegar, dalawang kilo ng asukal, asin, paminta at limang litro ng freshly squeezed lime juice at 30 kilo ng hinog na mangga para sa mango dressing at 30 kilo ng strawberries para naman sa strawberry dressing.

Ani Mikua, ang paghiwa sa mga gulay ay nagsimula nang maaga upang maabot ang 10 am na preparasyon ng giant salad. “We only have one hour to prepare everything at the venue because we had to start serving at 11am to maintain the freshness of the dressings.”

Aniya, may kabuuang 2,000 na bisita ang nasilbihan ng salad, bawat isa ay may tig-isang plato na puno ng gulay.

Ayon kay Nora Ganase, presidente ng League of Association at La Trinidad Trading Area na bumuo ng konsepto at nanguna sa kanyang grupo sa paghahanda, ang aktibidad ay isang joint effort ng lahat ng 14 na asosasyon sa trading area na binubuo ng packers, porters, farmers, buyers at maging supporters.

“We want to emphasize the difference of the Cordillera produced vegetables from the imported ones to educate our consumers,” aniya.

Ang lokal na produktong carrots ay mas malutong, makatas at malasa kumpara sa mga imported, aniya.

Isiniwalat ni Ganase na noong una ay gusto nilang makapasok sa Guiness record ngunit pinili nilang magkaroon ng mas maliit na bersyon bago nila subukang lampasan ang 20,100 kilograms na rekord ng Russia noong 2016.

“The municipal government is passing an ordinance institutionalizing the annual conduct of the activity and we hope to vie for the biggest vegetable salad next year,” paliwanag ni Ganase.

Nagpasalamat naman si Mayor Romeo Salda sa vegetable industry stakeholders sa kanyang bayan para sa pagsasagawa ng naturang aktibidad.Idiniin nito ang halaga ng partnership ng gobyerno at pribadong sektor upang mapaunlad ang bayan.

Ang Trading Post ay naitayo noong July 13, 1984 bilang lugar ng mga bulk traders ng highland agricultural products.

Noong 2001, ang Baguio Association of Hotels and Inns (BAHAI) ay nagsagawa ng biggest toss salad event sa Baguio City gamit ang 916.8 kilograms ng sariwa at lokal na produktong gulay bilang dagdag na atraksyon sa mga turista.

Ang giant vegetable salad ngayong taon ang pinakamalaki pa lamang sa buong bansa. Inaasahan na sa pamamagitan nito ay maging isang katotohanan ang trademark ng Benguet bilang “Salad Bowl” ng bansa habang ang probinsya ay naghahandang makamit ang world title sa 2018. LIZA T. AGOOT/PNA / ABN

ABOUT THE AUTHOR