|  | 

Headlines

Dating Irisan dumpsite, gagawing eco-park

LUNGSOD NG BAGUIO – Inaprubahan ng konseho ng Baguio ang resolusyong nagpapahintulot kay Mayor Mauricio Domogan upang pumasok sa isang tripartite agreement kasama ang Philippine Bamboo Foundation (PBF) at iba pang corporate partners upang ang bahagi ng dating Irisan open dumpsite ay maging eco-park sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kawayan.

Sa ilalim ng mungkahing tripartite agreement, ang foundation ang magpaparami at magpapatubo ng mga kawayan sa kooperasyon ng mga interesadong barangay at itatanim ang mga ito sa dating Irisan dumpsite para maging eco-park ang nasabing lugar habang ang mga corporate partners ang bibili ng mga produktong mula sa kawayan ng mga barangay para magsilbing pangkabuhayan ng mga residente.

Ayon kay City Environment and Parks Management Office (CEPMO) head Cordelia Lacsamana, susuportahan ng lokal na pamahalaan ang proposal ng PBF dahil walang gagastusin ang lungsod sa nasabing proyekto.

Ayon naman kay PBF president Edgardo L. Manda, ang pagbabagong-anyo ng Irisan dumpsite sa isang eco-park sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kawayan sa 3 ektaryang lupa ay matatamo kung ang kawayan na itatanim ay phylostakis aurea. Aniya, ito ang klase ng kawayan na ang ugat ay madaling magsanga sa lupa at kakalat hanggang ilang kilometro.

Isinaad ng konseho na ang final tripartite agreement ay kailangang ibalik sa konseho upang makumpirma bago mag-umpisa ang proyekto.

Base sa timetable na ibinigay ng foundation, ang pagpapatubo ng mga kawayan ay mula Enero hanggang Mayo habang ang pagtatanim ay sa panahon ng tag-ulan kung kailan inaasahang lalago ang mga kawayan.

Maliban sapagpapatubo at pagtatanim ng kawayan sa dating dumpsite, sinabi pa ni Mandan a ang foundation ay maglalaan sa mga interesadong residente ng mga barangay ng angkop na handicraft trainings para magamit nang buo ang pagkakaroon ng kawayan upang magamit na materyales sa mass production ng handicrafts na kinakailangan sa lumalaking merkadong pang-lokal at internasyonal.

Ayon sa foundation, lumalaki ang pangangailangan ng kawayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular ang mga pang-handicraft kung kaya patuloy ang foundation sa paglulunsad ng mass propagation ng bamboo materials sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Ito ay upang lalo pang mapalago ang bamboo handicraft industry.

Dagdag ni Manda, ang bamboo handicraft ay hindi pa pangunahing isinusulong ng foundation na bahagi ng industriya dahil sa kakulangan ng sapat na suplay sa kawayan.

Siniguro ni Manda sa lokal na pamahalaan na ang pagiging eco-park ng dating Irisan dumpsite ay magiging dagdag na tourist destination sa pamamagitan ng suportang ibibigay ng lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor ng lungsod. PIO / ABN

ABOUT THE AUTHOR