|  | 

Metro Baguio

Bilang ng kandidato ng SK, mababa sa Cordillera

Maaaring nawalan na ng interes sa politika ang kabataan sa Cordillera, ayon sa opisyal ng eleksiyon, base sa lumabas na mababang bilang ng kandidato para sa darating na Sangguniang Kabataan (SK) o youth council election sa Mayo 14.

Ayon sa tala ng Department of Interior and Local Government, mayroon lamang 2,427 na kandidato para sa kabuuang puwesto ng SK na may 5,024 sa 1,175 na barangay sa Cordillera Administrative Region, na may kakulangang 3,201 kandidato.

Sa lungsod ng Baguio lamang, mayroong 280 ang nagpila ng kanilang certificate of candidacy para sa SK members, na bumubuo lamang ng isang bahagi ng kabuuang 896 pposisyon na dapat mapunan.

“There were no other takers. The youth have lost their interests (to run for the position) due to the anti-political dynasty law, postponement of the election, no honorarium, and no compensation for the council members,” ayon kay Atty. John Paul Martin, election officer ng Commission on Election (Comelec) sa Baguio.

Sa naganap na Barangay and SK Election 2018 forum noong Miyerkules (Mayo 9), hinangad ni Martin ang malawak na kampanya upang hikayatin ang kabataan na sumali sa pampulitikang arena.

Sa forum na dinaluhan ng mga kabataang botante sa Baguio, ipinahayag ni Martin na ang National Youth Commission (NYC) ay nagsasagawa ng malalaking kampanya hindi lamang para sa mga organisasyon ng kabataan kundi pati na rin sa mga grupo ng kabataan sa sektor ng iba’t ibang barangay at paaralan.

“SK officials need involvement in the different communities, they should have schemes that will help the younger generation participate in social community development,” aniya.

Samantala, sinabi ni NYC cluster head Jun Angeles na nanghihikayat na ang ahensiya ng political awareness sa kabataan gamit ang social media platforms.

Sinabi ni Angeles na ang NYC commissioners ay nagpapakita rin sa iba’t ibang media outfits upang hikayatin ang youth sector upang sumali sa pampulitikang area, mabilang sa pagboto nila.

Sinabi ni Martin na matapos ang eleksiyon sa Mayo 14, ang DILG at NYC ay magsasagawa ng mandatory SK training upang imulat ang mga opisyal tungkol sa kanilang mga trabaho, lalo na ang pagpaplano, pagbalangkas ng resolusyon, budgeting, at ang kanilang pangunahing obligasyon sa komunidad.

Aniya, ang training, na capacity-building measure, ang tutulong upang siguruhin na ang mga SK official ay may kaalaman sa kanilang trabaho bilang public officials.

Ang training, na isang pre-requisite sa kanilang oath-taking, ay may tatlong modules sa limang sesyon, na saklaw ang SK Reform Act of 2015, ethical standards ng public officials, at lahat ng kanilang trabaho bilang SK members. P.M. GEMINIANO, PNA / ABN

ABOUT THE AUTHOR