|  | 

Metro Baguio

Ekonomiya ng CAR umakyat ng 2.1% noong 2016

Nakapagtala ang Cordillera Administrative Region (CAR) ng Gross Regional Domestic Product na nasa P137 bilyon noong 2016, ibig sabihin nito ay may 2.1 porsiyentong pagtaas kumpara sa estimated P134 bilyon GRDP noong 2015.

Iniulat ito ni Philippine Statistics Authority (PSA) Regional Director Villafe Alibuyog sa isang kapihan media forum sa Venus Parkview Hotel sa lungsod na ito noong Mayo 4.

Base sa economic indicators, ang sector ng industriya ang nakapagtala ng pinakamalaki sa economic output ng rehiyon na P65.35 bilyon (49% ng GRDP), sumunod ang services sector na nasa P50.14 bilyon (14.7 %) at AHFF (Agriculture, Hunting, Forestry at Fishing) na nasa P13.2 bilyon (8.8 %).

Kahit may positibong pagtaas sa Cordillera ay nagpakita ng pagbagal ang 2016 economic performance kumpara sa 4 porsiyentong pagtaas na naitala noong 2015.

Nakapagtala ang industry sector ng pagbaba na mula P67.61 bilyon noong 2015 sa P67.51 bilyon noong 2016; bumagal din ang AHFF mula P12.65 bilyon noong 2015 sa P12.08 bilyon ng 2016.

Samantala ang service sector ay nananatiling mas malakas ang performance sa rehiyon na nagtala ng 6.5 porsiyentong pag-angat mula P53.71 bilyon noong 2015 sa P57.04 bilyon ng taong 2016.

Ibinahagi ni Alibuyog na ang bansa sa kabuuan ay patuloy na nagpapakita ng malakas na economic performance na may accelerated growth na 6.9 % kumpara sa 6.1% na pag-angat noong 2015.

Inilahad ni National Economic Development Authority Assistant Regional Director Jedidia Aquino na kahit bumagal ang economic performance ng Cordillera ay nagpapakita naman ang rehiyon ng kapansin-pansing positibong pag-akyat mula pa noong 2013 na nagsasaad ng katatagan ng rehiyon.

Binigyang-pansin din ni Aquino na habang ang service sector ang pinakaaasahang pinagmumulan ng pag-akyat ay kailangan pa ring tutukan ang industry sector para makatulong sa pag-angat ng Cordillera. Maliban sa electronics export ay kailangan ding tingnan ang pag-papaunlad sa hydro power potentials ng CAR. Kailangan ding pag-ibayuhin ang produksiyon sa agrikultura.

Idinagdag pa ni Aquino na ang pagsusulong sa otonomiya sa rehiyon ay isa pang makakatulong upang mapabilis ang progreso at pag-unlad ng rehiyon. ABN

ABOUT THE AUTHOR