|  | 

Metro Baguio

Mga naulila ng PNP/AFP, sumasailalim sa pagsasanay

Sumasailalim ngayon ang mga naulila at dependents ng 50 battle/duty casualties ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines mula sa iba’t ibang lugar ng bansa ng capacity training sa Baguio City Schools of Arts and Trade (BCSAT) sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program (CBSP) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Joycelyn Cabana ng Department of Interior and Local Government at CSBP Manager for Uniformed Personnel Killed in Action and Wounded in Action na ang training ay kaugnay sa direktiba ni Duterte na siguruhin ang comprehensive social benefits para sa mga bayani at kanilang dependents.

Sa ilalim pa rin ng CSBP, ang mga personnel ng PNP o AFP na namatay habang tumutupad ng tungkulin ay nabigyan ng outright financial assistance na P250,000 sa loob ng 24 oras matapos na maipila ang spot report. Ang capacity training ay requirement para sa ikalawang tranche na karagdagang P250,000 para sa livelihood assistance, ayon kay Cabana.

Sinabi pa ni Cabana na sa capacity training ay magbibigay ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng lecture sa financial literacy. Magbibigay ang Department of Trade and Industry ng orientation sa entrepreneurship habang training naman ang ibibigay ng TESDA.

Inihayag ni TESDA Director for Scholarship Management Sonia Lipio ang kahalagahan ng pagbibigay ng kinakailangang livelihood skills competence sa mga naulila o dependents gaya ng food processing at fruit preservations na kinukuha ng mga benepisyaryo sa BCSAT, upang matulungan sila nang maayos na pagpapalakad sa kanilang kabuhayan at mapanatili ito habang nabubuhay.

“We, at TESDA also open our scholarship program to them because learning something and having skills training is very important in getting employed and earning a living,” ani Lipio.

Maliban sa financial at livelihood assistance ay kasama rin sa CSBP ang shelter assistance, health care at educational assistance gayundin ang scholarship programs ng PNP at AFP ayon kay Cabana.

Mula nang umupo si Duterte noong Hulyo 1, 2016 ay may kabuuang 131 casualties mula sa lehitimong operasyon ng pulis at military ang sumailalim na sa programa, pagtatapos ni Cabana. ABN

ABOUT THE AUTHOR