|  | 

Editorial

May mga nagsaya subalit maraming nanghinayang

img-responsive

Sa ikatlong pagkakataon na isinalang si Gina Lopez sa kumpirmasyon ng mga miyembro ng Commission on Appointments ng Senado at Mababang Kapulungan sa kaniyang pagkakatalaga bilang Secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay muling hindi pinalad si Lopez na makuha ang boto ng nakararami sa CA.

Marami ang naniwala na kayang baguhin at isaayos ni Gina Lopez ang kalakaran sa departamento at linisin ito sa mga hinihinalang kabulukan at korapsiyon dito maging ang mga anomalya at mahinang pagpapatupad ng alituntunin at batas sa pagmimina lalo na sa mga malalaking kompanya ng pagmimina.

Sa unang araw pa lamang ng kaniyang pag-upo bilang kalihim ay marami na siyang inilatag na pag-aayos, naging malaki at mainit pang isyu ang kaniyang matatag at matapang na paninindigan sa pagpapasara sa may 23 dambuhalang minahan sa bansa at pagpataw ng suspensiyon sa marami pang iba. Dito nag-ugat ang masalimuot at mainit na balitaktakan sa mga panig ng pabor at hindi pabor sa kautusan ni Lopez. Nagkaroon ng sunod-sunod na pagkilos protesta ng mga pro-mining at mga taong dumedepende sa minahan upang mabuhay lamang. Nagkaroon din ng pagkilos mula sa mga lumalaban sa malalaking minahan.

Sa 25 miyembro ng CA ay siyam ang bumoto ng pabor at labing-anim naman ang hindi pumabor sa appointment ni Lopez. Sa 12 senador na miyembro ng CA ay walo ang pumabor at apat ang hindi pumabor na sa unang pagkakataon ng CA ay nagkaroon ng secret voting. Nang lumabas ang balita at nagkaroon ng mainit at malawakang puna (bashing) sa social media ay isa-isang nagpaliwanag ang mga mambabatas ng kanilang ginawang pagboto. Anu’t-anuman ang mga paliwanag nila ay “tapos na ang boksing” ika nga at hindi na ito mababago. Naging mainit din ang diskusyon sa diumano’y pagkakaroon ng “money lobby” upang hindi makumpirma si Lopez, dahil tiyak na pupulutin sa kangkungan ang malalaking kompanya ng minahan sa bansa kung tuluyang uupo si Lopez. Sa pinagsanib na puwersa at pera ng mga dambuhalang minahan ay hindi nga malayong nagkaroon ng suhulan. Kung totoo nga ito ay iwan na lamang natin sa bawat konsiyensiya ng mga miyembro ng CA kung sila nga ay totoong namanipula ng pera at impluwensiya. Dahil sa nakagawian at ugali nating mga Pilipino ay hindi nawawala at naiiwasan ang “pagtanaw ng utang na loob”.

Nagsaya ang mga pabor sa pagmimina higit sa lahat ang malalaking kompanya ng pagmimina subalit tila mas marami ang nanghinayang sa hindi pagkakakumpirma kay Lopez na tinitingnan at pinapaniwalaang tamang tao sa DENR. At sa pagkakatalaga kay dating AFP Chief at dating ambassador sa Middle East na si Roy Cimatu ay ay mababaling sa kaniya ang malaking kasagutan kung naging tama nga ang desisyon ng CA. Hindi pa nagtatagal na pagkakaanunsiyo kay Cimatu bilang OIC ng DENR ay marami na ang bumatikos sa kaniya, dahil pinagdududahan ang kaniyang kakayahang pangunahan ang departamento. Bigyan sana natin siya ng pagkakataong patunayan ang kaniyang sarili sa bago niyang tungkulin. Pmcjr.

ABOUT THE AUTHOR